"May abala mang maidulot ang transport strike sa ating mga mamamayan at mananakay, mas malaki naman ang mawawala sa mga jeepney driver kung hindi nila ipaglalaban ang kanilang kabuhayan. Sila din ang nawawalan ng kita sa bawat araw na walang byahe at wala silang maiuuwi sa kanilang mga pamilya. Pag-intindi at suporta ang hinihingi nila.”
Ito ang pahayag ni Bayan Muna Partylist chairman Neri Colmenares nitong Linggo, Marso 5, sa kaniyang pagsuporta sa mga tsuper at operator na nananawagang ibasura ang nakaambang jeepney phaseout sa bansa.
“The least we can do is support their call for a more rational and feasible modernization program that is inclusive and responsive to all stakeholder needs, and not red-tag them or their supporters,” aniya.
Binanggit ni Colmenares sa kaniyang pahayag ang isyu ng panre-red-tag umano sa mga jeepney driver matapos tawagin ni Vice President Sara Duterte nitong Linggo na “communist-inspired” ang isasagawang transport strike ng mga tsuper mula Marso 6 hanggang 12.
BASAHIN: VP Sara, tinawag na ‘communist-inspired’,‘pointless’ ang transport strike
Samantala, binigyang-diin din ni Colmenares na ang mga tsuper ang unang nawalan ng kita at nahirapan nang magsimula ang pandemya, kaya’t huwag naman na raw sana itong iparanas muli ng gobyerno sa kanila.
“The government almost left them on their own during lockdowns, thousands lost their jobs and begged on the streets. Nasaksihan pa natin na ikulong sila sa kalagitnaan ng lockdown, pati ang senior citizen na drayber na si Tatay Elmer dahil lang nanawagan sila ng balik-pasada,” ani Colmenares.
Nararapat lamang din daw na pakinggan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga lehitimong panawagan ng transport groups dahil hindi naman ang ideya ng modernisasyon ang tinututulan nila, kundi ang mga iregularidad umano sa pagpapatupad nito.
“They do not oppose modernization and development initiatives per se, but a scheme pretending to be concerned for the environment but is actually riddled with irregularities will only benefit the corrupt administrators and greedy capitalists,” saad Colmenares.
“Sino ba ang may ayaw ng modernisasyon at pag-unlad? Sino ba ang ayaw ng bago at kumportableng jeep? Pinipilit ng LTFRB ang mga drayber na pumaloob sa cooperatives at fleet management system at bibili ng 15 imported mini-buses na P2.4 milyon ang isa para lang mabigyan ng prangkisa at ruta. Hindi nila madaling bayaran ito.”
Ayon pa kay Colmenares, mas lalong maaapektuhan ang publiko kapag tumigil sa pamamasada ang mga tsuper ng tradisyunal na jeep dahil hindi nila kayang makakuha ng nakaambang mandatong modernong sasakyan.
“Kung mawala sila sa kalye, mas lalong apektado ang lahat dahil lalong mabawasan ang pumapasada. Malinaw na hindi ang ating mga kababayang drayber o mananakay ang direktang makikinabang dito.
“Instead of forcing an ill-conceived modernization program (LTFRB circular 2023-013) that will practically bury our transport workers in debt, the administration should support them in crafting a pro-people, worker-led just transition,” saad ni Colmenares.