Nakakumpiska pa ng mahigit sa ₱101.6 milyong halaga ng asukal at sibuyas ang Bureau of Customs (BOC) sa anti-smuggling operation nito sa Manila International Container Port (MICP) sa Tondo, Maynila kamakailan.
Sa pahayag ng BOC nitong Linggo, karga ng 17 container van ang mga misdeclared at undeclared item, katulad ng pula at puting sibuyas, at asukal nang madiskubre nila nitong Pebrero 27 at 28.
Natuklasang kabilang sa consignee ng mga ito ang RYY Consumer Goods Trading, MFBY Consumer Goods Trading at M.S. Fab Builder.
Paglilinaw ng BOC, dumating sa bansa ang mga kargamento noong Disyembre 29, 2022 hanggang Pebrero 12, 2023.
“While we aren’t done yet examining all these suspected containers, we’re already working on getting to the bottom of these illegal operations. Our teams are working day and night to protect our borders,” paliwanag ni Juvymax Uy, deputy commissioner for Intelligence ng BOC.
Philippine News Agency