Muling binigyang-diin ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) nitong Sabado, Marso 4, na isasagawa nila ang transport strike mula Marso 6 hanggang 12 bilang panawagan na huwag ituloy ang nakaambang jeepney phaseout sa bansa.

“Hindi sapat ang puro extension. Hindi puwedeng hayaang i-masaker ang prangkisa ng mga indibidwal na operator para i-monopolyo ng malalaking korporasyon," pahayag ni PISTON National President Mody Floranda.

"Ang panawagan natin ay tuluyang pagpapabasura ng iskemang franchise consolidation at pagpapatupad ng maka-masang modernisasyon,” dagdag niya.

Nagtipon-tipon na umano sa ilalim ng 'No to PUV Phaseout Coalition' ang mga sektoral na grupo ng manggagawa, kabataan, kababaihan, urban poor, commuters, at transport workers, kasama na ang PISTON at Manibela, upang pangunahan ang protesta sa susunod na linggo.

Pinananawagan nila ang agarang paglalabas ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos ng Executive Order na magbabasura sa DOTr Department Order 2017-011 o ang Omnibus Franchising Guidelines (OFG), maging ang implementasyon ng Memorandum Circulars ng LTFRB na magbibigay ng mandato sa individual franchise holders na mag-consolidate sa ilalim ng fleet management system.

“Huwag na tayong maglokohan. Ang puwersahang franchise consolidation ay puwersahang phaseout,” ani Floranda.

Nananawagan ang nasabing coalition ng makataong modernisasyon sa pamamagitan ng rehabilitasyon ng mga tradisyunal ng jeep at pagsuporta sa PUV drivers at maliliit na operator sa bansa.

Pinananawagan din ng grupo na mas pagtuunan sana ng gobyerno ang pagsasaayos ng public mass transportation sa bansa, sa halip umanong umasa na lamang sa "importation, privatization, deregulation, [at] corporatization".