Mariing kinondena ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang nangyaring pag-ambush kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo sa kaniyang bahay sa lungsod ng Pamplona nitong Sabado, Marso 4. 

Kumpirmadong patay si Degamo matapos siyang pagababarilin ng mga hindi pa nakikilalang saralin sa harap ng tahanan nito kaninang 9:36 ng umaga.

BASAHIN: Negros Oriental Gov. Degamo, pinagbabaril, patay!

“We condemn in the strongest possible terms the senseless assassination of Governor Roel Degamo of Negros Oriental this morning at Brgy. San Isidro in the town of Pamplona of this province,” pahayag ni Abalos.

Nagbigay na umano ang DILG ng direktiba sa Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng hot pursuit operations upang agad na mahuli ang mga suspek sa krimen.

“Nakadeploy na ang mga puwersa ng Negros Oriental Provincial Police Office pati na ang mga kapulisan sa karatig na probinsya para galugarin ang bawat sulok ng lugar para agad na madakip ang mga kriminal,” saad ni Abalos.

“Asahan ninyo na hindi kami titigil hanggang hindi nareresolba ang kasong ito gayundin ang iba pang insidente ng pananambang na nangyari sa mga nakalipas na araw. We will quickly get to the bottom of this,” dagdag niya.

Umaapela rin si Abalos sa mga saksi sa nangyaring insidente na ilahad ang kanilang nakita at makipagtulungan sa PNP upang makamit umano ang nararapat na hustisya sa sinapit ng gobernador.