Isa sa mga napag-usapan nina Ogie Diaz, Mama Loi, Mrena, at Tita Jegs sa isang episode ng kanilang showbiz-oriented vlog na "Ogie Diaz Showbiz Update" ay ang pamumuna ng mga netizen sa umano'y format ngayon ng GMA Public Service program na "Wish Ko Lang" na hino-host ni Vicky Morales.
Matatandaang napaulat na rin ng Balita ang tungkol sa reaksiyon at komento ng netizens na tila pa-Vivamax na raw ang mga istoryang isinasadula sa naturang programa.
Ang Vivamax ay online streaming platform ng Viva kung saan mapapanood ang ilang mga maseselan at senswal na pelikula nila.
Wish ng netizens na sana raw ay maibalik na sa dating format ang palabas; na mas kinikilala ang aktuwal na buhay ng masuwerteng maaabutan ng tulong, at hindi sa re-enactment lamang.
Sey naman ni Ogie, huwag husgahan ang GMA Network dahil baka naman daw ganoon na ang format ng Wish Ko Lang ay dahil sa viewers.
Maaaring pumatok kasi sa TV ratings at nagiging usap-usapan ang mga ganoong tema kaya naman patuloy nilang ginagawa ito.
Maging ang "Imbestigador" ni Mike Enriquez ay hindi nakaligtas sa pamumunang ito.
Anyway, wala pang inilalabas na pormal na pahayag ang GMA Network tungkol sa isyung ito.