Inihalintulad ni Ogie Diaz ang pagma-manage ng talent sa isang buntis. Aniya, binubuo pa lamang daw sa sinapupunan ay iniisip na ang future nito.
"Akala n’yo, madaling mag-manage ng talents? Ay, hindi po. Apakahirap. Para kang buntis. Binubuo mo pa lang sa iyong sinapupunan, iniisip mo na ang future niya," saad ni Ogie sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Pebrero 28.
"Hindi ka lang basta manager — nanay, tatay, kapatid, kaibigan ka din nila. Ibig sabihin, pati personal nilang buhay, kailangan mong gabayan — nang walang komisyon. Nang labas na sa trabaho mo bilang talent manager.
"Pag napapa-trouble sila sa labas, kailangan ka nila. Di pwedeng di mo sila samahan kahit wala ka namang kinalaman. Pag nasasangkot sila sa isyu na sila rin ang may gawa, dahil manager ka, troubleshooter ka din," dagdag pa niya.
Tila pinatutsadahan din niya ang mga sinasabi umano ng netizens na kuha lang nang kuha ng komisyon ang mga talent manager.
"Akala ng ibang mga mema, kuha lang nang kuha ng komisyon ang talent manager. Hoy, ano’ng feeling nyo? Kakakilala ko lang sa talent ngayon, gusto nyo, sikat na siya next week? Gusto nyo, pag-iri ko sa sanggol ngayon, Grade 6 na siya next week?
"Eh, kung ganun pala gusto nyo at marunong pa kayo sa manager, ba’t hindi kayo ang mag-manage? Ang dami nyo palang alam, eh," patutsada pa niya.
Nailahad din niya na 1986 pa raw siyang nasa showbiz mula noong naging alalay siya ni Cristy Fermin, naging writer at editor, talk show host, field reporter, radio anchor, segment host, talent manager, at ngayo'y vlogger na rin.
"Binanggit ko na lahat yung pinagdaanan ko kasi gusto kong sabihin sa inyo na hindi ko naman overnight na-achieve ang goal ko in life. Pinatibay din ako ng mga trabahong pinasok ko. Yun ang humubog sa akin, kaya very grateful ako sa mga taong naging bahagi ng success ko," saad pa niya.
Lubos din ang pasasalamat niya sa mga taong tumulong sa kaniya sa industriya ng showbiz.
"Kaya bukod kay Ate Cristy, gusto kong pasalamatan ang mga kaibigan ko sa industriyang ito na tumulong sa akin (di ko na kayo iisa-isahin, baka me makalimutan pa ako), ang ABS-CBN na anytime gusto kong magka-show, magma-magic lang si Tita Cory Vidanes, the following week, me tatawag nang EP sa akin. Higit sa lahat, wag nating kalimutan pasalamatan ang Diyos kasi sa Kanya galing ang mga blessings.
"Gratitude and humility, dapat meron ang isang tao para tuloy-tuloy lang ang blessings."
Kaugnay na Balita: https://balita.net.ph/2023/02/28/xian-gaza-kay-ogie-diaz-hindi-kasi-nila-alam-na-wala-ka-ng-kinita-kay-liza/