Very proud sa kaniyang 8-anyos na anak ang ginang na si Catherine Sajo, 32, mula sa Bato, Catanduanes, dahil sa ipinamamalas nitong angking talento sa pagpipinta sa gitna ng kaniyang murang edad.

Sa panayam ng Balita, ibinahagi ni Sajo na natutong magpinta ang kaniyang anak na si Chloe noong nasa limang taong gulang pa lamang ito sa pamamagitan ng panonood ng tutorials sa YouTube.

“Sa panonood ng mga YouTube tutorials, nagpabili na [siya] ng water color at doon siya nag-umpisang magpaint,” ani Sajo.

Paborito at madalas daw ipinta ni Chloe ang mga sunset, sunrise, at full moon, at nasa isang araw daw ang ginugugol ng bata para matapos ang isang obra.

Tourism

'No. 1 most traveled Filipino citizen globally' sinalubong sa Mactan airport

Dahil sa angkin nitong talento, 5-anyos pa lamang noon nang makapagbenta na raw si Chloe ng kaniyang paintings. Ibinibili naman umano nila ang napagbebentahan ng mga gamit niya tulad ng bike.

“Masaya po bilang magulang very proud po ako sa anak ko,” ani Sajo. “Madami na po ang paintings niya ‘yung iba, nakadikit sa wall.’Yung iba nakatabi lang po.”

Samantala, agad namang sinubok ng panahon ang kahusayan ng batang artist. Limang taong gulang pa lamang daw si Chloe nang salakayin daw ang kanilang lugar ng super typhoon Rolly na siyang naging dahilan ng pagkasira ng kaniyang paintings.

“Natanggal ang bintana ng kwarto namin kaya lahat ng mga paintings, gamit niya at mga nakadikit sa wall ay natangay ng bagyo at nasira, 2 days bago ‘yung 6th b-day niya ‘yun nangyari. Doon na rin siya nawalan ng ganang mag-paint,” kuwento ni Sajo.

“Ngayon lang na 8 years old bumalik ‘yung interest niya sa pagpinta, noong sinama ko siya sa isang paint exhibit.”

Bukod sa talento na ipinamamalas ni Chloe sa pagpinta, masipag din daw siya sa pag-aaral at honor student din ito.

Kaya naman, sobrang proud mommy raw talaga si Sojo dahil sa ipinamamalas ng kaniyang anak sa gitna ng kaniyang murang edad.

Good job, Chloe!