Isang high-value target na drug personality ang natimbog ng pulisya matapos masamsaman ng mahigit sa ₱2.5 milyong halaga ng kush o high-grade marijuana sa buy-bust operation sa Quezon City kamakailan, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Kinilala ni PDEA-National Capital Region (NCR) chief Emerson Rosales, ang suspek na si Silvino Francisco, Jr. III, 27, at taga-Caloocan City.
Kaagad siyang dinampot ng mga tauhan ng PDEA at Quezon City Police District-Station 3 sa ikinasang buy-bust operation sa Mindanao Avenue nitong Pebrero 24, dakong 6:10 ng gabi.
Nasa 1,700 gramo ng illegal drugs na aabot sa ₱2,550,000 ang nakumpiska sa suspek.
Narekober din kay Francisco ang marked money, iba't ibang identification (ID) card at isang motorsiklo na ginamit nito sa pagtutulak ng iligal na droga.
Pansamantalang nakakulong sa PDEA National Office ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).