Kinumpirma ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) nitong Martes, Pebrero 21, na ang natagpuang bahagi ng bumagsak na eroplano sa dalisdis ng Bulkang Mayon nga ang siyang nawawalang Cessna 340 aircraft na nanggaling sa Bicol International Airport.
Sa pahayag ng CAAP, hindi pa umano nila malaman ang kondisyon ng piloto, mekaniko, at dalawang Australian passengers na lulan ng nasabing bumagsak na Cessna plane.
“The wreckage site is located at the west side slope of Mayon Volcano at the elevation of 3500-4000 feet. The wreckage was identified using a high resolution camera,” anang CAAP.
Natagpuan ang nasabing Cessna plane sa dalisdis ng Bulkang Mayon noong Pebrero 19.
BASAHIN: Posibleng crash site ng nawawalang Cessna plane sa Albay, natagpuan
Umalis sa airport ang nasabing nawawalang aircraft bandang 6:43 ng umaga at inaasahang makarating sa Manila dakong 7:53 ng umaga. Ngunit matapos ang huling komunikasyon ng awtoridad nang nasa Camalig, Albay pa ito bandang 6:46 ng umaga, hindi na ito muling na-kontak.