Hindi lamang mga tagahanga ng sumikat na all-girl group na "Sexbomb Girls" ng noontime show na "Eat Bulaga" ang na-excite sa tila teaser ng online streaming platform na "Netflix" kundi maging si GMA headwriter Suzette Doctolero, na nagsulat ng "Daisy Siete."
Ang "Daisy Siete" ay drama anthology ng GMA Network tuwing "Dramarama sa Hapon" na pinagbibidahan ng Sexbomb Girls noong 2003, at nagtapos noong 2010.
Ayon kay Suzette, maging siya ay hindi alam kung tungkol saan ang pa-teaser ng Netflix ukol sa Sexbomb Girls. May mga humuhula kasing baka mapapanood na sa "Netflix Philippines" ang lahat ng episodes nito, na umabot sa 26 seasons. May mga nagsabi namang baka documentary ito tungkol sa kanila.
"O, ano mga darling? Ready na ba kayo? 💣 Abangan bukas! 👀," saad sa caption.
Si Suzette pala ang isa sa mga nagsulat ng script para sa naturang drama anthology.
"Lols ako ang nagsulat ng Daisy Siete mula kalahati ng Season 1 hanggang ika 7th year ata (13 yrs ago na ba or more?) na excite ako kung ano rin ito. Wala akong alam hahaha," aniya.
Tumugon naman dito ang lider ng Sexbomb at aktres na si Rochelle Pangilinan.
"Naku bongga 'yan.. ano po 'yan.. pm kita," sey ni Rochelle.
Kaya naman marami na ang abangers sa sorpresang ito ng Netflix Ph at Sexbomb Girls.