Kamakailan lamang ay pinag-usapan sa social media ang paninita ng Kapuso viewers at netizen sa format ngayon ng public service program na "Wish Ko Lang" ni Vicky Morales dahil tila naiba na raw ang format nito matapos gawing tila drama anthology ng maseselang kuwento.
Namimiss na raw ng mga netizen ang old format ng show na nagbibigay talaga ng tulong sa isang mapipiling tao o pamilyang nangangailangan sa buhay. Simula raw kasi nang nilagyan ito ng "re-enactments" ay tila nalihis na raw ang tunay na layunin ng programa.
Ngayon kasi ay tila nasobrahan na raw ang re-enactment at tila wala na raw itong pinagkaiba sa "Tadhana" o "Karelasyon." Nalilito na umano ang mga manonood kung public service program pa ba ito o drama anthology na rin gaya ng "Magpakailanman."
Panawagan ng Kapuso viewers, ibalik na sa dati ang formal ng Wish Ko Lang dahil hindi na raw nila mahanap ang kabuluhan ng pamagat nito sa kasalukuyang mga ipinalalabas tuwing hapon.
Bukod sa Wish Ko Lang, kinalampag na rin ng mga netizen ang "Imbestigador" na ganito na rin daw ang format.
"Pati yung Imbestigador, parang mas marami pa drama eh… mas gusto ko yung dating format."
"Dapat ibalik na sa dating format ang Wish Ko Lang… Ginawa na nilang mala-drama anthology na dati ay isa lang namang public service show… pati sana yung Imbestigador."
"Wish Ko Lang, Imbestigador, Karelasyon. Yan yung line-up na pang Vivamax mga istorya. Kuwentong kabit at romansahan."
"Hindi na nakakatuwa promise…parang naging IMBESTIGADOR na yung tema niya."
"Bring back the old formats, hahahahh paVivamax na nga."
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang pamunuan ng GMA News and Public Affairs, o ang host nitong si Mike Enriquez tungkol dito. Bukas ang Balita sa kanilang panig.