Inanunsiyo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Lunes na umaabot sa ₱157 milyon ang halaga ng medical assistance na naipagkaloob nila sa kabuuang 21,954 indigent Pinoys noong Enero, 2023 lamang.
Anang ahensiya, ang naturang pondo na ini-release sa ilalim ng kanilang Medical Assistance Program (MAP), ay kinabibilangan ng tulong para sa confinement, dialysis injection, cancer treatment, hemodialysis, laboratory, diagnostic, at imaging procedures, at implant at medical devices.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni PCSO chairman Junie Cua, na ipagpapatuloy ng ahensiya ang kanilang mandato na tulungan ang mahihirap na Pinoy sa kanilang pangangailangang medikal at pangkalusugan.
“Makakaasa po ang ating mga kababayan na patuloy tayong gumagawa ng mga paraan upang mas marami pang Pilipino ang ating mapaglingkuran,” aniya pa sa isang pahayag.
Ang PCSO, na nasa ilalim ng Office of the President, ay ang pangunahing ahensiya sa pangangalap at pagkakaloob ng pondo para sa health programs, medical assistance at services, gayundin para sa charities of national character ng pamahalaan.
Nakalilikom ito ng pondo para magampanan ang kanilang mandato, sa pamamagitan nang pagdaraos ng sweepstakes, horse races, lotteries at mga kahalintulad na aktibidad.
Kaugnay nito, muli namang hinikayat ni PCSO General Manager Melquiades Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin ang mga PCSO games upang magkaroon na ng pagkakataong maging susunod na milyonaryo ay makatulong pa sa kawanggawa.