Hindi aakalaing umabot na hanggang online ang serbisyo ang panggagayuma, o ang paraan ng pang-aakit ng taong minamahal sa pamamagitan ng isa umanong sagradong ritwal o mga kagamitang sumailalim dito.
Ito ang patok na serbisyo ng isang online psychic reading service ng nagpakilalang si Babaylan Adlaw o Adlaw na may resibo pa umano ng kaniyang epektibong mga napagsilbihang kliyente online.
Bahagi ng kaniyang serbisyo ang sagutin o resolbahin ng mga problema ng pag-ibig ng ilang parokyano kagaya ng pang-aakit ng napupusuang “ideal partner,” pagtulong na bumalik ang dating partner na lumayo o ang dating pagtrato ng isang partner, hanggang sa pagsigurong magtatagal ang isang relasyon, bukod sa iba pa.
One-time payment ang serbisyo ni Adlaw na dedepende umano ang halaga sa mga spiritual offerings kagaya ng kandila, alak, pagkain o/at sigarilyo, mula isang linggo hanggang isang buwan na ritwal.
Bilang proteksyon sa kaniyang karma, libre naman ang kaniyang serbisyo sa mga kliyenteng karapat-dapat.
Panigurado naman ni Adlaw, hanggang “puro” umano ang intensyon ng kliyente, walang pangangambahang “consequences” ang dapat isipin.
“But if you just want your former lover to return for some ulterior motives (e.g. you want to get even with him/her), there will definitely be consequences,” ani Adlaw at sa kasong iyon, hindi na umano siya makapag-aalok ng tulong.
Dagdag ng kaniyang website, epektibo ang kaniyang serbisyo sa lahat ng uri ng relasyon kabilang na aniya ang LGBTQ relationships.
Permanente naman bang tatalab ang gayuma?
“Once a love spell manifests, it is you and your partner’s responsibility to care for your relationship and for each other. A love spell can only remove all the obstacles so you can have all the opportunities to have a long lasting and satisfying relationship. Don't expect it to do all the work for you,” anang online psychic.
Samantala, naglipana rin online ang umano’y proseso ng panggagayuma na may kadalian lang sundan.
Kabilang na rito ang YouTube channel na “Online Gayuma” na sa pag-uulat ay mayroong libu-libong views na rin at queries mula sa msugid na subscribers.
Sa ulat naman ng GMA News nitong Biyernes, tila patok namn ngayong Feb-ibig sa kilalang Quiapo ang bentahan ng gayuma at pangontra nito.
Parehong bote na may lamang iba’t-ibang uri ng halaman, papel na may Latin spell, langis, anito, at buntot ng pagi ang kadalasang sangkap sa mga ibinebentang burluloy ng panggagyuma.
Nagkakahalaga ng P500 ang karaniwang kada-piraso ng naturang “pilit-pag-ibig.”
Pagpapaalala naman ng mga nagbebenta ng mga ito, ‘wag anila daanan sa dahas ang pagkuha ng inaasam na pag-ibig.