Umabot na sa 9.6 milyong Pinoy na nasa tamang edad ang walang trabaho noong Disyembre ng nakaraang taon, ayon sa Social Weather Station (SWS).
Sa isinagawang survey ng SWS mula Disyembre 10 hanggang 14, 2022, sa pamamagitan ng personal na pakikipanayam sa 1,200 indibidwal na ang edad ay 18 pataas, lumabas na nasa 21.3% ng Pinoy ay jobless. Mas mataas ito kumpara sa naitalang 18.6% o 8.8 milyong jobless Pinoy noong Oktubre.
“The jobless consist of those who (a) voluntarily left their old jobs, (b) are seeking jobs for the first time, or (c) lost their jobs due to economic circumstances beyond their control,” pahayag ng SWS.
Ang bahagi umano ng bansa na may pinakamataas na naitalang walang trabaho noong Disyembre ay ang Metro Manila na may 24.8%.
Sinundan naman ito ng Balance Luzon (mga probinsya sa Luzon na nasa labas ng Metro Manila) na may 23.1%, Visayas na may 18.6%, at Mindanao na may 18.1%.
Samantala, nasa 62.6% o tinatayang 45.2 Pinoy ang labor force participation rate sa bansa noong Disyembre. Mas mababa rin ito kumpara sa 65.6%, o 47.3 milyon noong Oktubre 2022. Tinutukoy naman ng labor force participation rate ang mga indibidwal na may trabaho at mga naghahanap ng trabaho, ayon sa SWS.