Diretsang pag-amin ni Sunshine Cruz, may panahon na pinagsisihan niya ang dating imahe sa publiko.

Ito ang isa sa mga rebelasyon ng 45-anyos na aktres sa naging panayam ni King of Talk Boy Abunda noong Pebrero 2, Huwebes.

Dito, isiniwalat ni Sunshine na apektado siya lalo maging sa dinaranas na pangha-harass ng mga anak sa social media dahil sa kaniyang nakaraan.

“I get affected kasi ‘yung mga bata dapat hindi nadadamay pero ngayon naisip ko ang importante kung talaga ‘yung mga nakakakilala sa’kin at naiintindihan ako at mahal ako,” paglalarawan ng aktres sa kaniyang saloobin noon sa isyu.

Diana Zubiri, 'di pinagsisihang nagsimula bilang sexy actress

“‘Yung mga tao na nagsasabi ng hindi maganda tungkol sa akin – bold star, sexy star – it doesn’t matter anymore,” dagdag ni Sunshine.

Matatandaang nasa kaniyang puder ang kaniyang Tres Marias na sina Angelina Isabelle, Samantha Angeline at Angel Francheska, sa dating asawang si Cesasr Montano.

Pagbabahagi ng aktres, hinintay din umano niya ang tamang pagkakataon bago ipinaalam sa mga anak ang kaniyang past.

“Nung time na ready na sila at kahit papano ay maiintindihan na nila ako, dun ko sinabi sa kanila. Hangga’t maaari kasi gusto ko sa’kin manggagaling hindi sa ibang tao,” pagbabahagi ni Sunshine.

Hindi naman itinanggi ng aktres na minsan na niyang pinagsisihan na nakilala bilang sexy star noong kabataan niya.

“There was a time na ni-regret ko ‘yun especially naging malaking parte ‘yun ng aming separation ng aking ex-husband. But at the end of the day, mas naging stronger ako; mas natuto ako,” aniya.

Dagdag ni Sunshine, mas pinatunayan niya lang sa publiko na hindi lang siya ang ipinintas na imahe ng publiko.

"Ang ginawa ko lang Tito Boy ay pinatunayan ko sa mga tao na hindi lang ako sexy star or bold star.

“I can also be a singer. I can be an actress. Most especially, I am a good mom. I know that for a fact na lahat naman tayo nagkakamali, nagkakaroon ng maling desisyon nung mga bata pa tayo pero ang importante ay kung ano tayo ngayon,” anang aktres.

Kasalukuyang bida sa Kapuso serye na “Underage” si Sunshine na thankful sa dumarating pa ring blessings sa kaniyang acting career.