Pag-amin ni Rabiya, halos mawala umano ang kaniyang identity nang sumabak siya noon sa Miss Universe competition.
Kaya naman ito ang sentro ng kaniyang advice sa mga nangangarap na susunod na Pinay representative sa international scene.
“Ang dami kong gustong sabihin pero ‘yung pinakapuso talaga of my advice is that don’t be scared to be yourself,” aniya sa isang panayam ng ">PLDT Home kamakailan kasunod ng naganap na 71st Miss Universe.
“Coz I remember a lot of things about myself because I thought dun ako mananalo; na I thought ‘pag hindi ko ‘to ginawa, hindi ako mananalo,” paglalarawan niya sa naramdamang pressure noon.
Si Rabiya ang kinoronahang Miss Universe Philippines 2020 na kalauna’y naging kandidata ng bansa sa prestihiyusong Miss Universe.
“I ended up feeling so lost and you know having regrets in my head. So in every decision that you make, make sure that’s your decision, not the decision of the people around you,” pagdiin ng beauty queen mapa-hairstyle man ito, o ayos ng buhok, bukod sa iba pa. Dapat aniya na ang kandidata ay may huling desisyon sa lahat.
“Simple things lang ‘yun pero at the end of the day, ‘pag sinunod mo kung ano ‘yung nasa puso mo, whatever the result is, manalo ka o matalo, you’re happy because that’s you,” pagtatapos ni Rabiya.
Matatandaang umabot sa Final 21 si Rabiya na nagselyu sa isang dekadang semifinals win streak ng Pilipinas sa nasabing kompetisyon mula 2010, sa pangunguna ng tinaguriang “drought-breaker” na si Venus Raj.
Si Andrea Meza ng bansang Mexico ang nag-uwi ng korona para sa taong 2020 na nagsilbi ng pinakamaikling reign mula Mayo hanggang Disyembre 2021.
Tila wala namang balak na bumalik pa sa pageantry si Rabiya na busy ngayon sa kaniyang TV engagements sa Kapuso Network.