Hindi na tatanggapin ng pamahalaan ang mga imported na sibuyas na darating sa bansa pagkatapos ng deadline nito sa Enero 27.
Sa pahayag ni Bureau of Plant Industry spokesperson Jose Diego Roxas, ibabalik nila sa pinanggalingang lugar ang mga imported na produkto na papasok sa bansa kapag lumagpas na ito sa Biyernes, na itinakdang huling araw nito.
Nasa 1,900 metriko tonelada pa lamang ng sibuyas ang dumating sa bansa, malayo pa sa 5,775 metriko toneladang pinahintulutang iangkat ng gobyerno, ayon kay Roxas.
Posible rin aniyang hindi tatagal ng isang buwan ang suplay ng imported na produkto sa bansa dahil na rin sa kakumpintensiyang lokal na ani nito.
Inaasahan na rin aniya ang sapat na suplay nito sa Pebrero kung saan nataon ang peak ng anihan.
Nitong huling bahagi ng 2022, nagdesisyon ang gobyerno na umangkat sa layuning bumaba ang presyo nito na umabot hanggang ₱700 kada kilo.