Kinumpirma ng Social Weather Stations Report (SWS) nitong Huwebes, Enero 19, na umabot sa tatlong milyong pamilya sa bansa ang nakaranas ng gutom dahil sa kawalan ng akses sa pagkain.

Sa isinagawang survey ng SWS mula Disyembre 10 hanggang 14, 2022, sa pamamagitan ng personal na pakikipanayam sa 1,200 pamilya, lumabas na nasa 11.8% pamilya sa bansa ang nakaranas ng gutom at walang makain ng hindi bababa sa isang beses sa nakalipas na tatlong buwan.

Ayon sa SWS, nagkaroon pagtaas ng kaso ng kagutuman sa Visayas at Balance Luzon (mga probinsya sa Luzon na nasa labas ng Metro Manila), habang bumaba naman sa Metro Manila at Mindanao.

Bagama’t bumaba ang kaso ng gutom sa Mindanao, naiulat pa rin itong may pinakamataas na porsyento kung ikukumpara sa ibang rehiyon dahil nakapagtala ito ng 12.7% o nasa 738,000 pamilyang nakaranas ng gutom.

Ang Mindanao ay naitalang may pinakamataas na kaso ng gutom sa 38 ng bawat 100 na mga survey na isinagawa ng SWS mula pa noong Hulyo 1998.

Samantala, sinundan ng Visayas ngayong taon ang Mindanao matapos itong makapagtala ng 12% o nasa 576,000 pamilyang nagugutom, sumunod ang Metro Manila na may 11.7% o nasa 399,000 pamilya, at huli ang Balance Luzon na may 11.3% o nasa 1.3 milyong pamilya.