Makukumpleto na ang digitalization ng lahat ng records ng Manila City Council.
Mismong si Manila Vice Mayor Yul Servo-Nieto ang nagkumpirma ng magandang balita sa Balitaan news forum ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA), na idinaos sa Harbor View nitong Miyerkules.
Pagbabalita pa ni Servo, sa ngayon ay nasa 80% na itong kumpleto.
Ayon kay Servo, makakatulong ito upang madaling ma-access ng publiko ang kanilang rekords, partikular na ang mga estudyante.
Paliwanag ni Servo, kasama sa naturang digitalization ang mga ordinansa at resolusyon mula pa noong 1908.
“Nakakatuwa at malaking tulong sa mga kabataan o sinuman na ang records natin ay maisasalin sa digital format. Sa tulong ng internet, isang pindot mo lang o i-type mo lang ang author nung ordinance, lalabas na agad ito sa kung anumang search engine ang ginagamit mo, tulad ng Google halimbawa," aniya pa.
Dagdag pa ni Servo, posibleng matapos ang digitalization ng council records sa unang quarter ng taong ito.