Nagsimula nang muli nitong Huwebes, Enero 12, ang operasyon ng “Kadiwa On Wheels” sa iba’t ibang barangay sa San Juan City.
Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, ang unang barangay sa lungsod na pinuntahan ng Kadiwa Truck upang magbenta ng mga murang agricultural products ay ang Barangay St. Joseph.
Nabatid na sa Kadiwa on Wheels sa San Juan City, ang sibuyas ay ipinagbibili lamang ng P170 kada kilo ngunit dahil sa limitado ang suplay nito, ang bawat indibidwal ay maaari lamang bumili ng hanggang tatlong kilo.
Ang bawat kilo ng sibuyas ngayon ay nagkakahalaga ng P500 hanggang P600 sa mga wet markets at supermarkets.
Ang mga prutas at mga gulay naman ay mas mura rin ng mula P15 hanggang P20 kung sa Kadiwa on Wheels bibilhin ang mga ito, sa halip na sa mga palengke.
Marami namang residente ng San Juan ang maagang pumila upang makabili ng mas murang mga produkto.
“Malaking tulong ito sa aming mga mamamayan. Lalo’t lalo na ramdam natin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Malaking bagay na makakabili ng dekalidad na produkto sa murang halaga. Itong Kadiwa truck galing ng Department of Agriculture at Office of the President ay iikot twice a week sa mga barangay sa San Juan,” ayon kay Zamora.
Ang Kadiwa Program ay programa ng Department of Agriculture (DA) na ang layunin ay makapagbenta ng mura at sariwang agricultural products sa mga consumers.
Nabatid na ilang Kadiwa na ang bumisita sa San Juan City noong nakaraang taon, kabilang ang
“Kadiwa ng Pasko” noong Nobyembre 16 at 29, at Disyembre 22.
“Kausap ko rin ‘yung mga sellers natin at masaya sila dahil nawala na ‘yung middleman, iba talaga kapag nadadala ng direkta ang produkto sa end user, mas bumababa ang presyo ng bilihin,” anang alkalde.
Inaasahan namang sa loob ng linggong ito, isa pang barangay sa lungsod ang bibisitahin din ng Kadiwa Truck.