Mahigpit ang panawagan ni Marikina City Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro sa pamunuan ng Department of Public Works and Hi-Ways (DPWH) na agarang aksiyunan ang mga nakitang bitak sa paanan ng Marikina Bridge, na maaaring magdulot ng panganib para sa mga residente.

Nabatid na ang mga nasabing bitak ay matatagpuan sa lugar ng proyektong Sumulong Flood Interceptor ng DPWH-National Capital Region (NCR).

Lumilitaw na nagsimula umanong makita ang mga bitak matapos ang walang tigil na pagbabaon ng mga pilote ng kontraktor ng nasabing ahensiya sa kasagsagan ng ulan ng Enero 6, 2023 na hindi agad ipinagbigay-alam sa Marikina City Government.

Nalaman na lamang umano ang nasabing insidente mula sa report ng nagmamalasakit na mamamayan kaya’t kaagad itong binisita ni Teodoro, kasama ang mga Building at Barangay Officials sa kalaliman ng gabi.

Metro

Sa dami ng nagkakasakit: ER sa ilang ospital sa QC, puno na sa pasyente

Bunsod nito, kaagad na lumiham ang alkalde kay DPWH Secretary Manuel Bonoan at hiniling na masuspinde muna ang proyekto.

Ani Teodoro, sa bisa ng Section 16, Republic Act 7160 o Local Government Code of the Philippines, dapat na agarang ipahinto ang nasabing proyekto ng DPWH habang walang malinaw na determinasyon na ginagawa para sa tamang teknolohiya o pamamaraan upang iwasto at ayusin ang mga nasirang bahagi ng tulay na magtitiyak sa integridad ng istruktura para sa kaligtasan ng publiko.

“In accordance to Sec 16 of Republic Act 7160 or the Local Government Code of the Philippines, the City of Marikina hereby DEMANDS THE INDEFINITE SUSPENSION of the construction activities for the above described DPWH-NCR Project, while a clear determination is being conducted on the proper engineering technology and/or procedures that will be used by DPWH to rectify the damage AND until the STRUCTURAL INTEGRITY of the Marikina Bridge is hereby guaranteed for the SAFETY OF THE PUBLIC,” bahagi ng liham ni Teodoro.

Nag-demand din ang alkalde na madaliang ayusin ang mga nasira ng kontraktor ng DPWH sa lalong madaling panahon upang hindi sila maharap sa patong-patong na kasong Sibil, Kriminal at/o Administratibo.

“We are STRONGLY DEMANDING your office (DPWH) to conduct an URGENT REPAIR AND RECTIFICATION on the damage caused by the DOWH Contractor in the Marikina Bridge IN THE SOONEST POSSIBLE TIME,” anang alkalde.

“Considering that we are duty bound to act on the welfare of the inhabitants of the City of Marikina, we are expecting the IMMEDIATE ACTION OF THE DPWH, otherwise we will be constrained to file necessary legal actions- CIVIL, CRIMINAL and/or ADMINISTRATIVE, if this matter will not be addressed promptly and accordingly,” aniya pa, sa isang pahayag na nakapaskil sa Facebook page ng Marikina PIO.

Tiniyak rin ng pamahalaang lungsod na sa tuwina, ang kaligtasan ang hangad ng Ama ng Lungsod, kasunod ang kumbinyente sa kapakanan ng pamayanan.