Ang "Libreng Sakay," ay maaaring magpatuloy sa susunod na buwan, ibinunyag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Biyernes, Enero 6.
Sinabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III na agad na magpapatuloy ang free ride program kapag nailabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo at sa sandaling magawa ang tamang proseso ng dokumentasyon, kabilang ang contract signing sa bus consortium.
Ang budget para sa Libreng Sakay ay P1.4 bilyon at sinabi ni Guadiz na base sa kanilang tantiya ay tatagal ito hanggang Hulyo kapag nagsimula na ito sa Pebrero.
Kapag naubos na ang P1.4 bilyon, sinabi ni Guadiz: Hihingi kami ng supplemental budget mula sa DOTr (Department of Transportation) para gawin itong Libreng Sakay sa buong taon.”
"Ang mahalaga ngayon ay simulan natin itong Libreng Sakay ngayong Pebrero," dagdag niya.
Ang Libreng Sakay program, sa pamamagitan ng EDSA Bus Carousel, ay nagsimula sa kasagsagan ng Covid-19 pandemic para sa mga manggagawang pangkalusugan at mahahalagang manggagawa sa hangaring panatilihin ang aktibidad ng ekonomiya sa gitna ng mga lockdown.
Ang multi-bilyong pondo para sa libreng sakay na programa ay natapos noong Disyembre 2022.
Kakulangan ng bus
Inamin ni Guadiz na may kakulangan talaga ng mga bus para sa EDSA Carousel dahil 80 porsiyento pa lamang ng 550 bus ang umaandar.
Sa isang pagpupulong, napaulat na inamin ng bus consortium na ito ay dahil din sa kakulangan ng mga bus driver.
Ang kakulangan ng mga driver ay nag-ugat umano sa mahabang pagkaantala ng pagbabayad, o ang suweldo ng mga driver ng bus.
Ngunit sinabi ni Guadiz na gagawin nila ang lahat ng pagsisikap na mabigyan ng suweldo ang mga driver ng bus tuwing dalawang linggo kapag ang Libreng Sakay ay muling umarangkada sa susunod na buwan.
Aniya, tinitingnan din ng LTFRB ang deployment ng mas maraming bus para mapakinabangan ang operasyon nito para sa dumaraming bilang ng mga commuter.
Pagpapatupad ang fare matrix
Sinabi ni Guadiz na inutusan na ang mga operator ng EDSA Bus Carousel na tiyaking maipatupad ang tamang fare matrix.
Nagsimula ang pagpapatupad ng fare matrix system nang matapos ang Libreng Sakay program noong nakaraang buwan.
We already provided the fare matrix to the two bus companies so this must be strictly followed,” sabi ni Guadiz bilang tugon sa mga reklamo ng mga commuters tungkol sa iba't ibang pamasahe ng bus para sa mga kumpanya ng bus na bumibiyahe sa EDSA.
“We believe that there are some isolated incidents and there was no clear intent to overcharge. It may just be mis-appreciation of the fare,” aniya pa.
Ibinunyag ni Guadiz na sinabihan na siya ng dalawang kumpanya ng bus na makikipagkita sila sa kanilang mga driver at konduktor kaugnay sa isyu ng overcharging.
Aaron Recuenco