Umaapela ang Simbahang Katolika ng tulong at aksyon para sa mga mamamayang nasalanta ng kalamidad sa ilang bahagi ng bansa.

Kaugnay nito, nagpaabot rin ng panalangin sina Cubao Bishop Honesto Ongtioco, Daet Bishop Rex Andrew Alarcon at Borongan Bishop Crispin Varquez para sa kaligtasan ng mamamayang naapektuhan ng mga pag-ulan at mga pagbaha sa Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, Caraga, BARMM at MIMAROPA Region.

Ayon kay Bishop Alarcon, napakahalaga ang tunay na pakikiisa at pagbabahagi ng tulong sa mga naapektuhan ng kalamidad.

"Please know that we are close to you and we will do whatever is in power so that we can make concrete actions to that closeness and panawagan din po sa mga kapatid natin na mag-share ng love of the Lord by making concrete acts we always say that 'One concrete good act of of or values than a thousand promises,” panawagan ni Bishop Alarcon sa church-run Radio Veritas nitong Huwebes.

National

Matapos rebelasyon ni Garma: Ex-Pres. Duterte, dapat nang kasuhan – Rep. Castro

Iginiit naman ni Bishop Ongtioco ang kahalagahan na maiparamdam sa kapwa ang tunay na pakikiisa sa mamamayang apektado ng kalamidad, krisis sa ekonomiya at nawalan ng trabaho.

Aniya,"Tandaan ninyo tayo'y pinagbuklod ng Panginoon, sila ay kapatid ng bawat tao at dapat kilalaning kapatid dahil sa kaniya makakatagpo, magiging makabuluhan, magiging kongkreto ang pagmamahal sa Diyos, anuman ang ginawa sa iyong maliit na kapatid lalo na yung mga dukha, so panawagan po ni Hesus tayoy magkapatiran at isa pang mark ng pagkakapatiran ngayon ay pagmamalasakit, pagtulong at pagmamahal sa bawat tao."

Samantala, ipinagdarasal naman ni Bishop Varquez ang pagbangon ng mga nasalanta ng baha na makabalik agad sa normal na pamumuhay.

"Kaya po ay ipanalangin natin sila na sana hindi mawala ang kanilang pagasa na bumangon at ganun din po ang ating gagawin kung tayo po ay mayroong ma-extend na tulong sa kanila malaking bagay po sa mga biktima," panawagan pa ng Obispo.

Batay sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction Management Council, aabot na sa 52 ang bilang ng nasawi, 18 ang nawawala at 16 naman ang naitalang sugatan dulot ng malakas na pag-ulan sa iba’t-ibang lalawigan sa bansa kamakailan.

Una naman nang nagpadala ng P200,000 halaga ng tulong ang Caritas Manila sa Archdiocese of Ozamis matapos makaranas ng pagbaha ang maraming residente sa Misamis Occidental.