Nagsagawa ng ocular inspection sina Manila Mayor Honey Lacuna at Manila Police District (MPD) Director PBGEN Andrei Dizon, kasama si City Engineer Armand Andres, sa Quirino Grandstand nitong Huwebes kung saan idaraos ang ilang aktibidad na may kinalaman sa pagdiriwang ng pista ng Itim na Nazareno.

Kaugnay nito, pinangunahan rin nina Lacuna at Dizon ang send-off ng may 3,000 MPD personnel na ipapakalat para tiyakin ang kaayusan at kapayapaan ng mga naturang aktibidad.

Tiniyak naman ni Dizon sa alkalde na handang-handa ang kanyang mga tauhan para magbigay ng seguridad sa okasyon. Aniya pa, plantsado na ang lahat para sa mga aktibidad para sa pagdiriwang ng Pista.

Nabatid na magkakaroon ng banal na misa sa Quirino Grandstand, gayundin ng "padungaw" ng Itim na Nazareno, sa halip na ang tradisyunal na "pahalik".

Metro

400 cancer at dialysis patients, natulungan sa People's day sa Maynila

Kaugnay nito, nakatakda na ring ipatupad ang road closure sa ilang kalsada sa Maynila ganap na alas-10:00 ng gabi mula Enero 6 hanggang 9, saIndependence Road, Katigbak Drive, South Drive, northbound at southbound ng Roxas Blvd. mula Katigbak Drive hanggang South Drive.

Isasara naman mula Enero 7 hanggang 9, ganap na alas-7:00 ng gabi, ang Quezon Blvd Northbound at Southbound mula  A. Mendoza/ Fugoso hanggang  Quezon Bridge, diretso sa Padre Burgos Park 'n Ride, España Blvd Westbound at Eastbound mula  P. Campa hanggang  A. Mendoza, Evangelista St. mula  Plaza San Juan hanggang Recto Ave., Raon St. (G. Puyat) mula  Evangelista hanggang  Quezon Blvd., P. Paterno St.mula  Quezon Blvd. Hanggang Evangelista.

Magkakaroon rin ng road closure sa Carriedo St. mula  Rizal Ave. Hanggang Plaza San Juan,C. Palanca St. mula McArthur Bridge hanggang  Quiapo Ilalim/Quinta Market diretso P. Casal, Bustos St. mula Plaza Sta. Cruz hanggang Rizal Ave., Northbound lane ng Rizal Avenue mula Carriedo hanggang Recto Ave.,northbound lane sa McArthur Bridge, Eastbound at Westbound lane ng Recto Ave mula  Rizal Ave hanggang Nicanor Reyes St. at Nicanor Reyes St. mula España Blvd hanggang  Recto Avenue.

Ang mga naturang lugar ay inaasahang daraanan ng" walk of faith" na siyang idaraos sa Enero 8, sa halip na ang tradisyunal na Traslacion.