Si Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Anna Mae Yu Lamentillo ay opisyal na ngayon ng Philippine Coast Guard Auxiliary (PCGA) na may one-star rank.
Itinalaga ni PCG Commandant Admiral Artemio Abu si Lamentillo bilang Auxiliary Commodore ng PCGA Executive Squadron noong Lunes, Enero 2, sa PCG National Headquarters sa Port Area, Manila.
“Ikinagagalak kong simulan ang taon sa pagpapanibago ng aking dedikasyon sa serbisyo publiko sa pamamagitan ng pagiging bahagi ng Philippine Coast Guard Auxiliary. Ikinararangal kong maging bahagi ng PCGA at suportahan ang napakahalagang mandato ng PCG na protektahan ang ating mga dagat, iligtas ang buhay ng tao at buhay sa dagat, at tiyakin ang kaligtasan, seguridad, at pagpapanatili ng ating mga karagatan,” ani Lamentillo.
Ang PCGA, isang uniformed civilian volunteer organization, ay sumusuporta sa PCG sa pagtataguyod ng kaligtasan ng buhay at ari-arian sa dagat. Kasama sa mga tungkulin nito ang proteksyon sa kapaligirang pandagat, paghahanap at pagsagip sa dagat, kaligtasan sa dagat, at marine community relations.
“Ang aking pangako ay tulungan ang PCG na maisakatuparan ang bisyon nito na maging isang ‘world class guardian of the sea’ na nakatuon sa pagliligtas ng mga buhay, tiyakin ang ligtas na transportasyong pandagat, mas malinis na dagat, at pagpapatupad ng batas sa karagatang sakop ng bansa,” sabi ni Lamentillo.