Target ng Metro Manila Council (MMC) na maipatupad na sa unang bahagi ng taong 2023 ang isinusulong nilang single ticketing system sa National Capital Region (NCR).

Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, na siya ring pangulo ng Metro Manila Council (MMC), nakatakda nang magpulong ang MMC hinggil dito sa Enero ng susunod na taon.

Sinabi ni Zamora na sa ilalim ng single ticketing system, gagawin nang standard ang multa para sa traffic violations sa Metro Manila at pahihintulutan na rin ang digital payment para dito.

Aniya,masasakop ng sistema ang 20 standard traffic violations, na kinabibilangan ng mga karaniwang nagagawa ng mga motorista.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

“Ang pinakamalaking ginhawa talaga dyan ay hindi niyo na kailangang bumalik doon sa LGU (local government unit) kung saan kayo nahuli para magbayad sapagkat, una, hindi naman kukumpiskahin ang inyong lisensya. Pangalawa, pwede kayong magbayad sa pamamagitan ng digital payments,” paliwanag ni Zamora, sa isang panayam matapos ang launching ng libreng Fiber Optic Internet Connection at Wifi Program, na isinagawa sa Pinaglabanan Elementary School sa San Juan City nitong Martes.

Dagdag pa ni Zamora, isasama rin ng mga lungsod sa Metro Manila ang kanilang sistema sa Land Transportation Office (LTO) upang mapabilis ang mga transaksiyon, gaya nang pagbabayad ng standardized fines para sa paglabag at access sa datos na magsisilbing basehan para sa ‘demerit points’ ng mga nagkasalang motorista.

Paliwanag ni Zamora, “Halimbawa, kayo po, nahuli kayo disregarding traffic signs sa San Juan. Kapag integrated na po ang system ng San Juan at ng LTO, makikita po namin ilang beses na kayo nahuli. Makikita namin ilang demerit points na ba meron ang motoristang ito.”

Sakali umanong magkaroon ng 10 demerit points ang isang motorista ay maaari nang kumpiskahin ang kanyang lisensiya.

Nilinaw naman ni Zamora na kinakailangan pa ring magbayad ng motorista kahit na kinumpiska na ang kanyang lisensya.

“At huwag nating iisipin na dahil lang hindi na-confiscate ang lisensya ay pwede nang hindi magbayad. Sapagkat iyong panahon na hindi ka nagbabayad, palaki nang palaki ang multa na dapat mong bayaran,” aniya pa.