Iniulat ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Miyerkules na nasa 24,545 indigents ang nakinabang sa mahigit ₱189.3 milyong halaga ng medical assistance na kanilang inilabas para sa buwan ng Nobyembre 2022.
Batay sa paabiso ng PCSO sa kanilang social media account, nabatid na sa buong buwan ng Nobyembre, kabuuang ₱189,370,151.57 ang tulong medikal na kanilang naipagkaloob sa may 24,545 indibidwal sa buong bansa.
Sa National Capital Region (NCR), P42,032,396.21 ang naipagkaloob ng PCSO sa may 3,116 katao.
Sa Northern at Central Luzon naman, nasa ₱44,178,971.41 ang naipagkaloob sa may 5,640 indibidwal. Sa Southern Tagalog at Bicol Region naman, kabuuang ₱38,955,643.12 ang naipamahagi sa may 6,318 benepisyaryo.
Sa Visayas, nasa 4,844 benepisyaryo ang nabiyayaan ng kabuuang ₱34,202,584.85 tulong medikal.
Samantala, ₱30,000,555.98 naman ang halaga ng tulong medikal na naipagkaloob sa may 4,627 indigents mula sa Mindanao.
Ang MAP ay ang programa ng PCSO na nagkakaloob ng tulong medikal sa mga kababayan nating nangangailangan. Ang pondo ng MAP ay kinukuha ng PCSO mula sa kita ng mga PCSO games, kabilang ang lotto.