Inihandog ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary at dating Build, Build, Build committee chair Anna Mae Yu Lamentillo ang kopya ng pangalawang edisyon ng Night Owl book kay Senador Mark A. Villar.
Si Villar ay Kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noong panahon ng Build, Build, Build program ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na siyang paksa ng libro ni Lamentillo.
“Maraming nagawa ng DPWH sa pamumuno ni Senador Mark Villar. Ang Night Owl ay tungkol sa Golden Age of Infrastructure ng Pilipinas, at ito rin ay nagsisilbing journal ng aming trabaho at mga pinagdaanan—ang mga tagumpay at hamon—sa DPWH at Build, Build, Build,” ani Lamentillo.
Ipinaliwanag niya na itinulak din ng Senador ang mga reporma sa DPWH upang mapataas ang kahusayan at makahanap ng mga solusyon sa mga matagal nang problema sa right-of-way, ghost projects, at hindi maabot na mga deadline.
“Si Senator Mark ay nais na makatapos ng maraming proyekto hangga't maaari, dahil na rin sa vision at political will ni Pangulong Duterte, dahil alam niya ang kahalagahan ng mga kalsada, tulay, paaralan, ospital, at iba pang proyektong pang-imprastraktura sa pagpapabuti ng buhay, paglikha ng mga trabaho, pagbibigay ng pagkakataon, pagtataguyod ng kapayapaan, at pagpapalaganap ng kaunlaran sa kanayunan,” sabi ni Lamentillo.
Ang Build, Build, Build program ay nakapagsagawa ng 29,264 kilometrong mga kalsada, 5,950 tulay, 11,340 estrukturang pangontrol sa pagbaha, 222 evacuation centers, 150,149 silid aralan, 214 airport projects, at 451 seaport projects sa loob ng limang taon.