Tila nagsisilbing "Santa Claus" ngayon ang gurong si Ma'am Melanie Figueroa, nagtuturo ng asignaturang Araling Panlipunan sa Grade 10 sa Hinaplanon National High School na matatagpuan sa Iligan City, Lanao Del Norte, dahil sa pagtupad niya sa Christmas wish ng kaniyang mga mag-aaral na may mahigpit na pangangailangan.

Mapalad na nakapagsagawa ng eksklusibong panayam ang Balita Online kay Ma'am Melanie tungkol dito. Aniya, tinawag niya ang proyektong ito bilang "My Christmas Wish".

"Nagpo-post po ako ng mga wishes po ng mga piling estudyante para po ma-grant ang matagal na nilang wish at ma-grant ngayong Pasko. Nasa social media wall ko po ang mga wishes and ang nakaka-amaze lang po is seconds lang after ma-post marami ang gustong mag-grant sa wish," salaysay ng guro sa Balita Online.

"Pumipili ako ng mga bata or students na 'yong mga nangangailangan talaga. Tapos pinapa-wish ko sila kung ano 'yong gusto nila na hindi maibigay ng mga magulang kasi walang pera."

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Natutuwa naman ang guro dahil sa kabila ng hirap ng buhay ngayon dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin, ay may mga concerned citizens pa rin na kumakasa sa kaniyang hamong mag-ala Santa Claus sa mga mag-aaral. Ang iba pa nga raw ay hindi niya kakilala.

"Pino-post ko po sa wall, seconds lang marami na gusto mag-grant ng wish, minsan nga lima kaagad ang nagsasabay kaso 'yong pinaka-una ang pipiliin ko kasi 'yon po ang concept noon," paliwanag ni Ma'am Melanie.

"So naibibigay ko po ang wish nila bago mag-Pasko tapos post ko ulit. Nakaka-amaze lang po minsan, may mga taong nagme-message sa akin na di ko kakilala asking kung paano daw makatulong or mai-grant ang wish ng mga bata."

Nais ding pasalamatan ni Ma'am Melanie ang lahat ng mga taong nasa likod ng kaniyang adbokasiya.

"Wala po akong hinangad kundi ipakalat po sa buong bansa o mundo na marami pa rin pong mga taong may mabubuting puso at gawa na handang tumulong sa mga nangangailangan nating mga kababayan lalo na sa kabataan," aniya pa.

"Naniniwala po kasi ako sa galing ng kabataang Pinoy. Sa kabila rin po nito, gusto ko rin pong bigyan ng pagpupugay ang mga taong nasa likod po ng adbokasiyang iyo, ang mga benefactors po."

Bukod sa nais niyang makapagpasaya ng mga bata sa darating na Pasko, may mensaheng nais iparating si Ma'am Melanie para sa lahat, lalo na sa kaniyang mga kapwa guro.

"Gusto ko lang po i-share sa mga kapwa ko guro na maaari tayong makapagpasaya ng mga bata and at the same time makapag-share po ng blessings sa iba."

Hindi na bago kay Ma'am Melanie ang mga ganitong gawain dahil minsan na rin siyang naitampok sa Balita Online noong 2021 dahil sa kaniyang proyektong "Laptop para sa Pangarap" kung saan namimili siya ng mga mag-aaral na karapat-dapat na mapagkalooban ng libreng laptop, upang magamit ng mga ito sa kanilang online class, sa kasagsagan ng community quarantines noong 2020 hanggang 2021.

Basahin: https://balita.net.ph/2021/09/19/nationalteachersmonth-ang-laptop-para-sa-pangarap-ni-maam-melanie-ng-iligan/">https://balita.net.ph/2021/09/19/nationalteachersmonth-ang-laptop-para-sa-pangarap-ni-maam-melanie-ng-iligan/

Bukod sa pagbibigay ng laptop, tuwing Pasko umano ay nakasanayan na niya talagang i-grant ang Christmas wish ng isa o mga mapipiling mag-aaral.

“Mayroon po akong Christmas wish na nagga-grant po ng wish ng student every Christmas,” pagbabahagi pa niya noon.

Mabuhay ka, Ma'am Melanie! Sana ay dumami pa ang mga kagaya ninyo!