Isang executive order ang inilabas ng lokal na pamahalaan ng Cotabato City na nagpapatupad ng isang localized lockdown sa dalawang baryo matapos ang tatlong insidente ng pamamaril na ikinamatay ng hindi bababa sa tatlong tao noong Nob 21.
Sa inilabas na EO no. 30 ng Cotabato local government, simula Nob 22 ng gabi, ipapatupad ang localized lockdown Purok Talitay at Pag-asa ng Barangay Rosary Heights 7 at Purok Masagana at sa perimeter ng Fiesta Mall at Barangay Rosary Heights 10 dahil sa intelligence reports na natanggap ng City Peace and Order Council (CPOC) patungkol sa security threats at sightings ng mga armadong indibidwal sa lungsod.
Isasailalim sa lockdown ang mga nabanggit na lugar simula 8 p.m. hanggang 4 a.m. simula Martes.
Ipinagbabawal nito ang sinumang indibidwal na pumasok o lumabas sa mga partikular na lugar sa loob ng mga nayon.
"Layunin ng Executive Order na tiyakin ang kaligtasan ng publiko sa gitna ng mga banta sa seguridad sa mga concered na lugar," nakasaad sa inilabas na EO.
Para lalo pang paigtingin ang mga hakbang sa seguridad, maglalagay ng 24-hour outposts at random checkpoints sa lungsod.
Kasalukuyan pa ring inaalam ng awtoridad ang motibo ng pamamaril.