Mula Nob. 26, ang longest-running anthology program sa Asya ay mayroon na lamang huling tatlong episodes, hudyat ng pagtatapos ng 31 taong pamamayagpag nito sa telebisyon.
Ito ang inanunsyo ng host ng kilalang programa, ang aktres, icon at isa sa mga boss ng ABS-CBN Network na si Charo Santos-Concio, Lunes.
“Hindi na po mabilang ang nasalaysay na kuwento dito sa ‘MMK’ — mga kuwentong totoo, mga salamin ng sarili ninyong buhay na nagbigay ng aral at ng panibagong pag-asa,” aniya.
Unang umere sa telebisyon ang mga kuwento ng pagsasabuhay sa mga liham ng programa noong Mayo 1991.
Sa loob ng mahigit tatlong dekada, ang programa ay naitampok hindi lang sa telebisyon ngunit maging sa mga kanta, entablado, radyo, libro, at maging sa mga pelikula.
Ani Santos-Concio, hindi siya magdadalawang isip na muling piliin ang ginampanang bahagi sa makasaysayang programa “kung mauulit man ang lahat.”
“Kulang po ang tatlumpu’t isang taon para magpasalamat sa inyo,” anang host.
Kinuha rin ng niya ang pagkakataon para muling pasalamatan ang mga naging bahagi sa maningning na tatlumpong taon ng MMK.
“Gusto ko pong magbigay-pugay sa lahat ng nagpadala ng sulat, sa aming mga direktor, writers, researchers, production staff, at sa lahat ng naging bahagi ng aming programa.
“Sa mga artistang gumanap, maraming, maraming salamat. Sa management ng ABS-CBN, sa aming mga sponsors at higit sa lahat sa inyong mga tagapanood, kayo po ang nagsabing makahulugan sa inyo ang aming ginagawa,” pagpapatuloy niya.
Sa Dis. 10, huling matutunghayan sa telebisyon ang MMK.
“Salamat po sa lahat ng nakaraan at sa anumang paraan na maaaaring pa tayong muling magkita. Ito po si Charo Santos, ang inyong tagahanga at tagapag-kuwento.”