Iniulat ng independiyenteng OCTA Research Group na bumaba pa ang Covid-19 positivity rate sa National Capital Region (NCR).

Batay sa datos ng OCTA, na ibinahagi ni Dr. Guido David sa kanyang Twitter account nitong Huwebes, nabatid na ang seven-day positivity rate ng Covid-19sa NCR ay nasa 7.4% na lamang hanggang noong Nobyembre 15, o pagbaba mula sa dating 7.8% noong Nobyembre 8.

Gayunman, sinabi ni David na ang naturang mas mabagal na rate ay indikasyong posibleng nagpa-plateau na ang trend.

Inihayag pa ni David na bagamat attainable o maaari pang makamit ang less than 5% na positivity rate kung magpapatuloy ang downtrend, may posibilidad aniya na ang positivity rate ay manatiling lampas sa antas na ito.

National

Asawa ni Harry Roque, pinaaaresto na rin ng Kamara

“The seven-day positivity rate for COVID in the NCR decreased slightly from 7.8% as of November 8, 2022 to 7.4% as of November 15. The slower rate of decrease indicates a plateauing of the trend,” tweet pa ni David.

“While less than 5% positivity rate is still attainable if the downtrend continues, there is a possibility that the positivity rate will remain above this level,” aniya pa.

Ang positivity rate ay tumutukoy sa porsyento ng mga taong nagpopositibo sa Covid-19mula sa kabuuang bilang ng mga indibidwal na isinailalim sa pagsusuri.

Kaugnay nito, sinabi rin ni David na mayroon pa ring posibilidad na magkaroon ng uptick o pagtaas ng mga kaso ng Covid-19.

Ayon kay David, tumaas ang reproduction number sa rehiyon ng mula sa dating 0.83 noong Nobyembre 6 ay naging 1.02 noong Nobyembre 13.

Ang reproduction number ay tumutukoy sa bilang ng mga taong maaaring ihawa ng sakit ng isang pasyente. Ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon nang pagbagal ng hawahan ng virus.

Ang weekly growth rate naman ay tumaas rin ng mula -18% ay naging 11% dahil sa pagtaas ng mga bagong kaso ng sakit ng mula 240 ay naging 268.

Sinabi naman ni David na ang naobserbahang pagtaas ng mga kaso ay maaaring dahil sa mas mababang testing volume dahil sa katatapos na holiday.

Ang hospital utilization rate naman aniya ay nananatiling very low at ang NCR ay nananatili pa ring nasa low risk hanggang sa ngayon.