Nanindigan si Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi maaaring gawing "state witness" si suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag sa kinakaharap na kasong pagpatay sa mamamahayag na si Percival "Percy Lapid" Mabasa.
Aniya, patuloy pa rin ang imbestigasyon sa kaso at hindi umano pasok si Bantag sa main criteria ng pagiging "least guilty."
“Just to discharge a person as a state witness is a big thing already. It will not happen just like that… That’s wishful thinking. Kasi ano eh, to be discharged, you have to be the least guilty. That’s one of the things we have to think about,” pagdadahilan ni Remulla.
Matatandaanglumutang ang usapin matapos isapubliko ng kapatid ni Lapid na si Roy Mabasa na posibleng gawing "state witness" si Bantag sakaling isiwalat nito ang lahat ng kanyang nalalaman sa kaso.
Tiniyak naman ni Remulla ang kaligtasan ni Bantag atigagalangdin ang karapatan nito sakaling sumuko ito sa mga awtoridad.
Malapit na rin aniyang mailabas ang subpoena laban kay Bantag kung saan inoobliga siyang sumagot sa naturang alegasyon.
“We’re presuming that he knows his rights. He has the right to counsel, he has the right to face his accusers in court. We will give him a copy of the documents so he can answer,” banggit pa ni Remulla.
Si Bantag ay itinuturong nagpapatay kay Lapid.
Kasama rin umano nitong nag-utos na paslangin ang nabanggit na mamamahayag, si National Bilibid Prison (NBP) Supt. Ricardo Zulueta na matagal na umanong nagtatago matapos ang pamamaslang.
Apat pang preso ang sinabing kasabwat nina Bantag at Zulueta sa pagpaslang kay Lapid.
Napatay si Lapid matapos pagbabarilin habang sakay ng kanyang kotse sa labas ng BF Resort Village, Las Piñas nitong Oktubre 3 ng gabi.