Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na ayaw nilang humantong sa senaryong mapatay si suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag kaugnay sa pagkakasangkot sa pagkamatay ni veteran journalist Percival "Percy Lapid" Mabasa.

Sinabi ni PNP spokesperson Jean Fajardo, mayroong mga tauhan na silang inuutusang makipag-ugnayan kay Bantag upang maiwasang magkaroon ng madugong insidente.

Ipinaliwanag ni Fajardo na dapat umasa si Bantag sa legal system kung saan malalaman na gumugulong pa rin ang hustisya sa bansa.

Ang pahayag ni Fajardo ay kasunod ng hamon ni Bantag na mas nanaisin pa niyang mamatay kaysa makulong.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“Ipapahintulot ko bang makulong ako? Patayin na lang ninyo ako. Kasi alam ko ang mangyayari sa akin dun (sa loob ng selda). Hindi naman ako senador… na sabihing proteksyunan `yan,” bahagi ng pahayag ni Bantag kamakailan matapos ibunyag ng mga awtoridad na kabilang siya sa persons of interest sa pamamaslang kay Lapid.

Pinayuhan din ni Fajardo na sagutin ni Bantag ang ilalabas na summon para sa isasagawang preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) sa kaso.

Kamakailan, kinasuhan ng murder si Bantag, kasama si National Bilibid Prison (NBP) Supt. Ricardo Zulueta at apat pang preso na sangkot umano sa pamamaslang kay Lapid.

Matatandaang ibinunyag ni self-confessed gunman Joel Escorial na inutusan siya ng umano'y "middleman" sa kaso na si Cristito Villamor Palaña o Jun Villamor na patayin si Lapid.

Namatay si Villamor apat na oras matapos iharap sa publiko si Escorial nitong Oktubre 18.

Aniya, sinabi rin umano sa kanya ni Villamor na si Bantag ang nag-utos upang paslangin si Lapid.

Nauna nang naiulat na nagtatago na sina Bantag at Zulueta matapos silang sampahan ng kaso hinggil sa pamamaslang sa naturang mamamahayag.

Nitong Oktubre 3 ng gabi, napatay si Lapid matapos pagbabarilin habang sakay ng kanyang kotse sa labas ng BF Resort Village, Las Piñas.