Limang munisipalidad, mga sundalo at isang pagamutan ang nabiyayaan ng ambulansya na ipinamahagi ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), sa ilalim ng kanilang Medical Transport Vehicle (MTV) Donation Program.

Mismong si PCSO Vice Chairperson at General Manager Melquiades "Mel" Robles ang nanguna sa pamamahagi ng mga naturang ambulansya sa mga benepisyaryo, sa isang simpleng seremonya na isinagawa sa kanilang punong tanggapan sa Mandaluyong City nitong Biyernes.

Kasama ni Robles sa naturang aktibidad sina Assistant General Manager for Charity Sector Dr. Larry Cedro, Charity Assistance Department Manager Atty. Marissa Medrano at Board Secretary Atty. Reymar Santiago.

Sa abiso ng PCSO nitong Sabado, natukoy na kabilang sa mga nabiyayaan ng anim na Patient Transport Vehicles (PTV) at isang Emergency Medical Service Vehicle (EMSV) ay ang munisipalidad ng Baler, Aurora, na kinatawan ni Vice Mayor Pedro Ong Jr.; Valencia, Bohol, na kinatawan ni Mayor Dionisio Neil Balite; Can-Avid, Eastern Samar, na kinatawan ni Mayor Vilma Germino; Taft, Eastern Samar, na kinatawan ni Mayor Gina Ty; Compostela, Davao De Oro, na kinatawan ni Municipal Information Officer, Loreto Doydoy Jr.; Lakas Dagatnin Pilipinas, Sangley Point, Cavite, na kinatawan ni Commander Junnifer Cantal at Governor Celestino Gallares Memorial Hospital, Tagbiliran City, Bohol na kinatawan naman ni Engr. John Melchor Namoc.

National

Makabayan bloc, pinuna balak ni FPRRD na maging abogado ni VP Sara: 'Desperate political maneuver!'

Nabatid na ang naturang mga donasyon ay bahagi ng MTV Donation Program ng PCSO.

Layunin nitong makapagbigay ng mga medical transport vehicles sa mga conflict-affected areas, vulnerable communities, at geographically isolated at disadvantaged areas upang matiyak ang mabilis at ligtas na pagbiyahe ng mga pasyente sa mga naturang lugar.