Iniulat ng independent OCTA Research Group na bahagyang bumaba ang COVID-19 positivity rate sa National Capital Region (NCR) at tatlong iba pang lalawigan.

Batay sa datos na ibinahagi ni OCTA Fellow Dr. Guido David, nabatid na nitong Oktubre 7 ay nakapagtala na lamang ang NCR ng 18.1% na positivity rates.Ito ay pagbaba aniya mula sa dating 19.1% na naitala noong Oktubre 1.

Ayon kay David, nakapagtala rin nang pagbaba sa positivity rates sa naturang petsa ang Batangas, na mula sa 13.9% ay naging 10.9%; Bulacan na mula sa 20.4% ay naging 17.7% na lamang at Laguna na mula 19.7% ay naging 16.9% na lamang.

Samantala, nakapagtala naman aniya ng mahigit sa 20% na positivity rates sa COVID-19 ang tatlong lalawigan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kabilang dito ang Tarlac na tumaas ang positivity rate ng mula 23.5% at naging 32.8%, sa nabanggit ring mga petsa; Rizal na nakapagtala ng 26.1% na positivity rate mula sa dating 25.6% lamang habang ang Cavite ay naging 24% mula sa dating 20.5% lamang.

Tumaas rin naman aniya ang positivity rates sa Pampanga na mula 14.8% ay naging 19.5%; Davao del Sur, na mula 8.3% ay naging 13.4%; Benguet na mula 7.3% ay naging 9.3%; Iloilo na mula 4.6% ay naging 8.7%; Cebu na mula 4.3% ay naging 5.7%; at Negros Occidental na mula 4.9% ay naging 5.5%.

Ang positivity rate ay tumutukoy sa porsiyento ng mga taong nagpopositibo sa COVID-19 mula sa kabuuang bilang ng mga indibidwal na isinailalim sa pagsusuri.