Ibinahagi ng talent manager na si Ogie Diaz nitong Lunes ang nabalitaan umanong paglaya ng dating asawa ni Terrence Romeo na si Pia White na may pinansyal na atraso sa kaniya ng ilang milyones.

Ito’y matapos mabanggit ang “seven digits” sa usapan ng trio nina Tita Jegs, Mama Loi, at Ogie sa programa ng talent manager sa YouTube.

“Pinaalala mo na naman yang seven digits, Loi. Katangahan ko po ‘yun. Katangan ko po,” ani Ogie.

Depensa naman ni Mama Loi, “Hindi. Masyado lang talaga si nanay magtiwala. Mabait lang talaga si nanay.”

Tsika at Intriga

JC De Vera, na-offend sa 'biro' ni Alex Gonzaga

Sunod na tinanong ng partner ni Ogie ang tungkol sa mga tumalbog noon na mga tseke dahilan para agad na mapamura na lang ang host.

“P*t*ng*n*, inalis ko na yung lahat ng mga tseke doon kasi lagi kong naalala kapag nabuklat tapos nakikita ko yung mga amount na, Diyos ko, na tumalbog,” anang manager.

Mas ikinaloka naman ni Ogie ang aniyang balita ng paglaya ni Pia White at kasabwat nitong si Efcel Reyes na nahuli noong Enero ngayong taon dahil sa mga kasong carnapping, extortion at pagpapanggap ng iba’t ibang pagkakakilanlan.

Napaulat na tinatayang aabot sa P5 milyon ang natangay ng personalidad sa talent manager sa porma umano ng investment scam.

"Feeling ko nakalaya na talaga kayo kasi na-block niyo ako. Siyempre nakagamit sila ng cellphone, blinock nila ako sa viber," saad ni Ogie.

Payo lang ng showbiz insider sa dalawa, magbago na ang mga ito dahil kawawa aniya ang mga nabibiktimang nagtatrabaho nang maayos.

"Kawawa naman yung mga nagtrabaho talaga nang matino at ipinagkatiwala sa inyo yung pera,” ani Ogie.

"Sana nga, Pia Efcel, magbago na kayo. Dahil sumasakit na rin ang ulo ko sa inyo, ang galing niyo... kung kayo'y nakalaya na, wag na kayong gagawa ng masama. magbago na kayo, maghanapbuhay kayo ng parehas, nang patas," dagdag ng manager.

Gayunpaman, hindi rin daw kumpirmado ni Ogie ang ulat gayundin ang balitang nagbalik-operasyon na rin ang nasangkot na negosyo sa scamming incident.

Pabiro namang hirit ng host at negosyante, kahit one hundred pesos a day, ay sana’y simulang panagutan ni Pia ang halagang atraso sa kaniya.

“Alam niyo kung sasabihin lang ni Pia sa akin na, ‘Mama Ogs, ido-donate ko na lang ‘to sa foundation mo kesa ibigay sa’yo,’ okay lang,” ani Ogie.