Ibinahagi ng showbiz commentator/columnist na si Ogie Diaz na kasali siya sa pagdarasal ng 31M o 31 milyong Pilipinong bumoto para kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., para sa tuluyang pag-aliwalas ng panahon, at isang gobyernong maaasahan sa panahon ng kalamidad, gaya ng naranasan sa pananalasa ng super typhoon Karding.

"Kasama ako ng 31M Pilipinong nagdarasal na sana ay umaliwalas na ang panahon kasabay ng kanilang paniniwala na may gobyerno tayong maaasahan at mararamdaman sa oras ng kalamidad. #KayaYan💪🏻," ani Ogie.

https://twitter.com/ogiediaz/status/1574207852381884416

Matatandaang si Ogie ay isang Kakampink o tagasuporta ni dating Vice President at president candidate Atty. Leni Robredo.

Nang manalo si PBBM, sinabi ni Ogie na tanggap na niya ang lahat at handa siyang magpakita ng suporta sa administrasyon---subalit mamumuna kung may kapuna-puna naman at maling mga ginagawa sa pamahalaan.

Samantala, narito naman ang reaksiyon at komento ng mga netizen sa kaniyang tweet:

"Correct. Kung ang Pilipino ay di magkaisa sa politika, sa panalangin man lang sa Diyos na humupa na ang bagyo ay magkaisa. Kung kayang tumulong sa kapitbahay kahit sa maliit na paraan ay ok din. Paalis na daw ang bagyo. Monitoring the events in the Philippines here in New Zealand."

"Sana sumama na lang ang mga salot sa gobyerno kasama ng pag-alis ng Bagyo!"

"We don't need a doble cara like you."

"Sa oras ng kalamidad, meron po tayong vlogger."

Samantala, makikita naman sa opisyal na Facebook page ni Pangulong Bongbong Marcos ang recap ng kaniyang pangunguna sa paghahanda para sa maagap na pagtugon ng pamahalaan kaugnay ng super typhoon Karding.

"RECAP: Simula kahapon ay pinangasiwaan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang maagap na paghahanda ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa pagtugon sa bagyong Karding," ayon sa caption.

"Umaga ng Lunes nang pangunahan ni PBBM ang isang situation briefing sa punong-tanggapan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Quezon City. Pagkatapos nito ay nagsagawa ang Pangulo ng aerial inspection sa mga apektadong lugar."

Ibinahagi rin sa naturang FB page ang aerial inspection ng pangulo sa mga apektadong lugar, gaya ng Bulacan, Nueva Ecija, Aurora, at Tarlac.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/09/26/pbbm-nagsagawa-ng-aerial-inspection-sa-mga-lalawigang-sinalanta-ni-karding/">https://balita.net.ph/2022/09/26/pbbm-nagsagawa-ng-aerial-inspection-sa-mga-lalawigang-sinalanta-ni-karding/