Labis na ikinagalak ni Manila Mayor Honey Lacuna na nadagdagan pa ang kilalang fast food chain na nagbibigay ng trabaho para sa mga senior citizens sa lungsod.

Pinasalamatan ni Lacuna ang Kentucky Fried Chicken (KFC) matapos na mangako itong tatanggap ng mga senior citizens na residente ng lungsod Maynila bilang mga trabahador nito.

“Thank you to these food establishments that are helping our senior citizens and nanawagan po tayo sa iba pa na sana ay mabigyan ang ating mga senior kahit temporary employment lamang dahil  naniniwala ako na kayang-kaya pa nila,” pahayag ni Lacuna, nitong Huwebes, Setyembre 22.

Anang alkalde, labis siyang nasisiyahan dahil nagkukusa na ang mga food establishments sa lungsod upang tulungan ang lokal na pamahalaan, sa pagbibigay ng hanapbuhay para sa mga nakakatanda. 

Metro

Tatay na umano'y nambugbog, sugatan matapos gantihan at saksakin ng anak

Ayon pa kay Lacuna, ang Manila City Ordinance 8598 ay nagbibigay mandato sa mga fast food establishments na magkaloob ng pansamantalang hanapbuhay sa mga kwalipikadong residente ng lungsod na pawang differently-abled at persons with disabilities (PWDs).

Binigyang-diin pa ni Lacuna na maraming mga senior citizens na malalakas pa ang katawan ngunit napagkakaitan ito ng pagkakataong kumita o magtrabaho dahil sa age limitation na kailangan para sa trabaho. 

Sa pamamagitan aniya ng pakikipagtulungan at suporta ng mga food establishments, maraming buhay ang magbabago dahil magkakaroon na muli ng hanapbuhay ang mga senior citizens at makakatulong ito sa paraang pinansyal ng kani-kanilang pamilya. 

Maliban pa dito ay mararamdaman muli ng mga senior citizens na sila ay produktibo pa at hindi pabigat sa kanilang pamilya at tagapag-alaga na lamang ng kanilang mga apo.