Tinatayang aabot na sa tumataginting na ₱193 milyon ang jackpot prize ng Grand Lotto 6/55 sa susunod na bola nito bukas, Miyerkules, Setyembre 21, 2022.

Ayon kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Vice Chairperson at General Manager Melquiades ‘Mel’ Robles, inaasahan nilang tataas pa ang papremyo ng Grand Lotto 6/55 dahil hindi na naman napagwagian ang jackpot prize nito sa katatapos na bola nitong Lunes ng gabi, Setyembre 19, 2022.

Ani Robles, walang nakahula sa six-digit winning combination ng Grand Lotto 6/55 na 30-46-20-17-34-15 kaya’t hindi rin naiuwi ang katumbas nitong premyo na ₱184,889,840.40.

Gayunman, mayroon aniyang 12 mananaya ang nanalo ng tig-₱100,000 na second prize para sa nahulaang tig-limang tamang numero.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Samantala, inaasahan rin ni Robles na aabot na sa ₱52 milyon ang jackpot prize ng MegaLotto 6/45 na bobolahin rin sa Miyerkules ng gabi.

Ayon kay Robles, hindi rin nahulaan ang six-digit winning combination na 17-41-25-22-18-20 ng Mega Lotto 6/45 kaya’t wala pa ring nakapag-uwi sa katumbas nitong premyo na ₱48,993,583.60.

Mayroon naman aniyang 24 na manlalaro na nanalo ng tig-₱32,000 na second prize matapos na makahula ng tig-limang tamang numero.

Kaugnay nito, hinikayat ni Robles ang publiko na tumaya na sa lotto upang magkaroon ng tiyansang maging susunod na milyonaryo.

Ayon kay Robles, wala namang talo ang mga lotto bettor dahil hindi man sila manalo ng premyo ay tiyak namang makakatulong sila sa mga kababayan nating nangangailangan.

Ang GrandLotto 6/55 ay binubola tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado habang ang MegaLotto 6/45 naman ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.