Umaabot na sa 1,700 daga ang nahuli ng mga residente sa lungsod ng Marikina kasunod nang muling paglulunsad ng kanilang ‘Rat to Cash Program’ kahapon, Setyembre 14.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro, ang naturang mga daga ay nahuli ng mga residente sa unang araw pa lamang ng pag-arangkada ng programa nitong Miyerkules.
Aniya, umaabot sa ₱300,000 ang halaga ng binayaran nila kapalit ng mga naturang daga.
Tiniyak naman ni Teodoro na ang naturang peste ay maayos na nilang nai-dispose.
"Kahapon, naka 1,700 na daga ang nabilang namin na nahuli at nai-dispose properly,” ayon kay Teodoro, sa panayam ng teleradyo, nitong Huwebes, ang ikalawang araw ng pag-arangkada ng programa. “Kahapon, ang binayaran namin doon sa palit ng cash…umabot kaming ₱300,000.”
Ani Teodoro, ang “Rat to Cash Program" ay unang inilunsad noong taong 2020 at taun-taon nang isinasagawa ngayon ng pamahalaang lungsod upang maiwasan ang pagkalat ng leptospirosis.
Iniulat rin niya na sa ngayon mayroong tatlong kaso ng leptospirosis sa lungsod, ngunit nilinaw na hindi sa Marikina nakuha ng mga pasyente ang kanilang sakit.
Anang alkalde, dalawa sa mga pasyente ay construction worker kung saan nagkaroon ng pagbaha sa lugar na kanilang pinagtatrabahuan habang ang isa naman ay factory worker.
Tiniyak rin naman ni Teodoro na patuloy ang pagsisikap ng lokal na pamahalaan upang maiwasan ang mga pagbaha sa kanilang lungsod, kabilang na rito ang tuluy-tuloy na dredging na isinasagawa sa Marikina River.
“Ang maganda lang nangyayari ngayon, dahil nga may dredging kami sa Marikina River, ginagawa namin, buhat pa nung Ulysses, tuloy-tuloy, at pinalaki namin yung drainage system namin, ay walang reported flooding nitong nakaraan buwan,” ayon kay Teodoro.
“Kaya talagang yung long-term solution, at yun yung tinututukan namin, ay yung maiwasan yung baha. Tsaka yung kalinisan ng lugar,” aniya pa.
Matatandaang muling inilunsad ng Marikina City Government kahapon ang kanilang 'Rat to Cash Program.'
Ayon sa City Environmental Management Office (MECO), ang programa ay isasagawa nila hanggang ngayong Biyernes, Setyembre 16, lamang.
Sa ilalim ng programa, maaaring dalhin ng mga residente ang mga mahuhuling daga, buhay man o patay, sa CEMO compound sa Gil Fernando Avenue, Brgy. Sto. Nino, Marikina City mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.
Ang mga patay na daga ay maaaring ilagay sa selyadong plastic bag at container habang ang mga buhay naman na nasa mouse trap ay dapat ring ilagay sa plastic bag o kaya ay sa sako.
Ang mga ito ay susuriin at titimbangin ng CEMO, saka babayaran, depende sa laki at dami.
Tanging mga rehistradong residente lamang naman ng lungsod ang kuwalipikadong lumahok sa programa.Kailangan umano ng mga residente na magdala ng balidong ID kung magsusurender ng nahuling daga.