Isang linggo na ngayon ang nakalilipas simula nang muling buksan ang mga pampublikong paaralan at unti-unti nang naibalik sa face-to-face ang mga klase, ngayong nasa tinatawag na "post-pandemic" na ang lahat, at upang maibalik na rin ang mga nakasanayan noon. Kahit na ang lahat ng mga bagay ay halos maaari nang gawin online, wala pa rin umanong makapapantay sa harapang pagkikita at pagsasagawa ng mga klase, tungo sa higit na pagkatuto.

Isang guro mula sa Silang, Cavite na nagngangalang "Maritess Geneblazo-Reyes", 33 anyos, ang nagbahagi ng ilan sa kaniyang mga realisasyon kaugnay ng taong panuruan 2022-2023, sa pamamagitan ng kaniyang Facebook post nitong Sabado, Agosto 27.

Naniniwala ang guro na lahat ay nagsasagawa ng unti-unting adjustments lalo't hindi rin biro ang dalawang taong nasa bahay lamang at nagsasagawa ng online classes. Mahirap na rin itong maalis sa sistema.

"Ilang realisasyon sa simula ng taong panuruang 2022-2023."

Human-Interest

Netizen, ayaw na magbigay ng regalo sa pamilya niyang hindi marunong mag-appreciate

"1. Lahat ay nag-aadjust. Hindi lamang mag-aaral kung hindi maging guro. Kaya huwag namang konting mali ng guro ay kung makareklamo tayo agad. At huwag rin sanang wala naman kaming ginagawang mali pero kami pa rin ang sinisisi.. 😅🤣😂Tahimik lamang ang mga guro, tahimik na sinusuri kung ano ang maiaambag sa mga mag-aaral. Tahimik na nagmamatyag sa kung paano magsisimula at ano ang estratehiyang magagawa para makatulong sa kanila. Huwag naman kaming sisihin agad. Makapanghusga kayo eh. Hahaha 😅😂🤣."

"Maging ang mga mag-aaral ay nagsisimula pa rin. Natutuhan ko ngayong linggong ito na simulan sa kanila ang simpleng proseso ng pagkatuto at siguro, sa mga darating na araw sabay-sabay kaming hahakbang para sa progreso. Excited ang lahat dahil pagkatapos ng ilang taong ikinulong tayo ng pandemya ay magkikita at magkakasama na ulit ng pisikal sa proseso ng pagtuturo at pagkatuto."

Isa umano sa mga dapat tutukan din ay ang "reading comprehension" ng mga mag-aaral. Tila ang mas nahulma sa panahon ng lockdown ay ang "audio-visual" skills o ang "pakikinig-panonood" dahil sa naglipanang mga social media platforms gaya ng TikTok. Nakaaalarma umano na hindi na masyadong nagbabasa ang mga mag-aaral ngayon. Isa pa rito ay ang pagpapalawak ng talasalitaan.

"2. Kailangang matutukan ang pagbasa ng mga mag-aaral. Pagkatapos ng isang linggong pagtataya sa pag-unawa sa binasa at pagkilala sa salita, marami sa mga mag-aaral ang nakakabasa ngunit pagdating sa pag-unawa nito, mukhang kailangan pang mahasa ang mga mag-aaral. (Ito po ay para sa aking mga naging mag-aaral sa loob ng isang linggo)."

"Paano? Kailangang magtulungan ang guro at maging ng magulang o tagapamatnubay ng mag-aaral. Pakibawasan ang paggamit nila ng gadgets. Sa maibabawas na oras sa gadgets, subukang pagbasahin sila kahit isang oras ng anumang akda, teksto."

Isa pa sa mga napansin ng mga mag-aaral, kung nahihirapan o wala nang interes magbasa sa mga nakalimbag na materyal ang mga mag-aaral, mas lalong hirap na rin sila sa pagsulat ng mga simpleng pangungusap.

"3. Ang ilan sa mga mag-aaral na nahawakan ko, partikular sa Baitang 9 ay nangangailangan ng gabay sa pagsulat ng simpleng pangungusap. Kailangang magsimula sa simple habang hinahasa ang kanilang kritikal na pag-unawa."

Nakiusap din ang guro, na huwag naman isantabi at balewalain ang pagkatuto gamit ang wikang Filipino at asignaturang ito.

"4. Para sa mga nagsasabing huwag nang tutukan ang Filipino dahil Filipino lamang naman ito. Palagi kong sasabihin na sa wikang ito dadaloy ang pagkatuto hanggang sa maunawaan ang simple hanggang kritikal na konsepto ng alinmang asignatura."

"5. Isa ang sigurado ako, aanihin ng mga mag-aaral na ni hindi nagbasa ng module nila noong pandemya ang hirap ng proseso ng pagkatuto."

"Ngunit wala na tayong magagawa kung hindi yakapin ang kasalukuyang sitwasyon at magtulungan para sa ikatututo ng mga mag-aaral. Mahirap pero kakayanin… sana'y hindi matapos ang pakikipagtulungan ng mga magulang at tagapamatnubay."

Umapela naman ang guro sa mga magulang at tagapamatnubay o guardian ng mga mag-aaral.

"Pagbasahin po natin sila sa ating mga tahanan, kahit isang oras na hindi sila hahawak ng gadgets at tutukang magbasa. Pagpupugay sa mga kasamang guro sa faculty, 😊.. Nakakatuwa pong kasama kayo at ipaalala na ang mga mag-aaral na hawak natin ngayon ay kailangan nang matinding gabay. (O simple lang ang mga guro pero kahit minsan naiinis sila, palagi silang gumagawa ng paraan na makakatulong sa mga mag-aaral. PALAGI)."

"Huwag po kayong mag-alala ang mga guro sa kabila ng mga negatibong talak ng lipunan sa amin ay magtuturo at yayakapin ang bagong hamon ng pagtuturo pagkatapos ng pandemya para sa aming mga pamilya, sa bayan at higit sa kaluwalhatian ng Diyos."

Handang-handa na umano si Ma'am Maritess para sa "mas nakakapagod na school year" para sa taong ito.

"Para maalala ko sa memories ng FB na naranasan kong pumasok ng silid-aralan na walang nagsasalita… nasanay kasi silang kausap ang mga cellphone nila… Pero keri lang, handa na ako sa siguradong nakakapagod na taong panuruang ito."

"Sabay-sabay nating salubungin nang may positibong pagtanaw ang taong panuruang ito."

Si Ma'am Maritess ay guro ng asignaturang Filipino sa Baitang 9 ng Bulihan Integrated National High School.