Umaabot na sa apat ang kumpirmadong kaso ng monkeypox sa Pilipinas.
Kinumpirma ng Department of Health (DOH) nitong Lunes ng gabi na natukoy na nila at na-isolate ang ikaapat na pasyente ng virus, na isang 25-anyos na Pinoy, na walang anumang documented travel history mula sa bansang may kumpirmadong kaso ng sakit.
Anang DOH, ang pasyente ay sinuri at nakumpirmang positibo sa monkeypox, sa pamamagitan ng real time Polymerase Chain Reaction na isinagawa ng DOH Research Institute for Tropical Medicine (RITM). Nailabas umano ang resulta ng pagsusuri noong Agosto 19 lamang.
Kaagad namang ini-isolate at kasalukuyang nang nilalapatan ng lunas ang pasyente.
Nagsasagawa na rin umano ang DOH ng intensive case investigation at contact tracing upang matukoy ang mga naging close contact ng pasyente.
Sa kasalukuyan, nasa 14 nang close contacts nito ang natukoy.
Ang isa sa kanila ay nag-aalaga ng pasyente na nasa isolation facility habang ang anim pa ay naka-quarantine na at ang isa ay ang healthcare worker na tumingin sa pasyente. Nakasuot naman umano ito ng kumpletong personal protection equipment (PPE) nang isagawa ang konsultasyon, at ngayon ay nagsasagawa ng self-monitoring.
Inaalam pa naman ang detalye ng anim pang close contacts.
Ayon sa DOH, ang apat na kumpirmadong kaso ng monkeypox sa bansa ay pawang walang kinalaman sa isa’t-isa.
Ang unang kaso ay nakarekober na at nakalabas ng isolation noong Agosto 6, 2022 pa.
Ang ikalawa at ikatlong kaso naman ay kasalukuyang naka-home isolation at nasa maayos namang kondisyon.
Wala pa ring bagong contacts ng mga naturang kaso ang natukoy ng DOH.
Una nang nilinaw ng DOH na ang monkeypox ay hindi ikinukonsidera bilang sexually transmitted disease, at maaari itong maihawa sa pamamagitan ng close at sustained physical contact.
Hindi ito katulad ng COVID-19 na madaling ikalat sa pamamagitna ng hangin.
Ang sintomas ng monkeypox ay mild lamang at rarely fatal ngunit mahigpit pa ring pinag-iingat ng DOH ang publiko laban dito.
“Everyone can help prevent the spread of Monkeypox. Avoid close, sustained physical contact with suspected cases, especially those with rashes or skin lesions. Keep hands clean. Wear a face mask. Cover coughs using the elbow, and choose areas with good airflow. The DOH wishes to emphasize that anyone may get Monkeypox. If you have a travel history to countries with Monkeypox, or have come into close and sustained physical contact with people who have rashes or open lesions, and then have symptoms like fever, lymphadenopathy or “kulani”, and rashes, seek immediate medical attention. This will help hasten recovery,” anang DOH.
“Ating tandaan na magkaiba ang Monkeypox at COVID-19. Ang Monkeypox ay kumakalat kapag nadikit sa balat ng may sakit na ito na siyang nakikitaang may mga butlig, o kaya sa kagamitan na nahawakan ng may sakit. Kung nakararanas ng lagnat, pamamaga ng kulani, at mga butlig sa balat, agad na kumonsulta sa pagamutan,” ayon naman kay Dr. Maria Rosario Singh-Vergeire, ang Officer-in-Charge ng DOH.