Libu-libong estudyante at kanilang magulang ang dumagsa sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Central Office sa Batasan Complex, Batasan Hills, Quezon City nitong Sabado matapos ianunsyo ng ahensya na uumpisahan na nilang magbigay ng educational assistance.

Sinabi ng ilang estudyante, nakapila na sila simula 5:00 ng hapon nitong Biyernes sa pag-asang hindi maabutan ng cutoff.

Dahil sa dami ng mga estudyanteng umaasang mabigyan ng nabanggit na financial assistance ng DSWD, umabot na sa Batasan-San Mateo Road ang pila.

Nauna nang isinapubliko ni DSWD Secretary Erwin Tulfo, makatatanggap ng financial assistance ang mahihirap na estudyante kada Sabado hanggang Setyembre 24 ng taon.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Mabibigyan aniya ng ₱1,000 ang mga estudyante sa elementarya, ₱2,000 naman sa mga estudyante sa high school,₱3,000 sa mga senior high school student at ₱4,000 para sa mga college student o kumukuha ng vocational course.

Tatlong benepisyaryo ang kukunin sa bawat pamilya, ayon sa DSWD.

Nitong Agosto 20, aabot lamang sa 2,000 ang tinanggap ng ahensya dahil sa ipinatupad na cutoff dakong 7:00 ng umaga.

Kaagad namang humingi ng paumanhin si Tulfo sa libu-libong benepisyaryo na hindi na-accommodate at sinabing hanggang Setyembre 24 pa naman ang programa.