Magpapatupad ng rollback sa presyo ng produktong petrolyo ang mga kumpanya ng langis sa Martes.

Ito na ang ikapitong sunod na linggo na magpapairal ng paggalaw sa presyo ng gasolina, diesel at kerosene.

Ayon sa Pilipinas Shell, magbabawas sila ng ₱0.10 sa presyo ng bawat litro ng gasolina, ₱0.45 naman ang iro-rollback sa presyo ng diesel at ₱1.05 naman sa kerosene.

Sinabi naman ng Cleanfuel na ₱0.10 ang kanilang price rollback sa kada litro ng gasolina, at ₱1.05 naman ang ibabawas sa bawat litro ng diesel.

Inaasahang magpairal din ng kahalintulad na hakbang ang iba pang oil companies sa bansa sa Agosto 16.

Idinahilan ng mga kumpanya ng langis ang ipinatupad na price adjustment ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.