Ipinahayag ng showbiz columnist na si Ogie Diaz kung gaano niya kamahal at iginagalang dahil sa pagiging naturalesang matulunging tao si news anchor-journalist at ngayon ay Kalihim ng Department of Social Welfare and Development na si Erwin Tulfo.

Siya umano ang isa sa mga unang natuwa nang maitalaga ito bilang DSWD Secretary. Kilala raw niya si Tulfo dahil matagal na silang magkakilala at nagkatrabaho pa sa ilang morning shows ng ABS-CBN.

"Ako ang unang tuwang-tuwa nung ibigay sa kaniya ang pwesto bilang DSWD secretary," unang entrada ni Ogie sa kaniyang Facebook post noong Miyerkules, Agosto 10.

"Kasi, kilala ko siya since year 2001 nung magkasama kami ni Papa Erwin Tulfo sa Magandang Umaga, Bayan na naging Magandang Umaga, Pilipinas."

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Naging saksi raw si Ogie kung paano nito tinulungan ang ilang mga taong nangangailangan. Isa na rito ang pagtulong nitong mahanapan ng negosyanteng sponsor ang isang bata upang makapag-aral ito.

"Ito yung businessman na kaibigan ni Papa Erwin na nagawan niya ng pabor, pero nung ina-ask siya kung ano ang puwede nitong ibigay sa kaniya, yung pagpapaaral sa dalawang bata ang hiningi niya."

"Isa lang 'yon sa eksenang di ko makalimutan. Pero andaming beses ko na siyang nakita mismong tumulong, lalo na after the morning show, ang haba ng pila sa Erwin Tulfo Action Center, kaya sabi ko, yakang-yaka ni Papa Erwin ang DSWD."

"Dito sa pagkikita namin ni Papa Erwin, ipinaalala ko sa kaniya ang mga kabayanihan niya sa mga tao, sa ilang simbahan at maraming senior citizens, pero hindi na niya maalala," ani Ogie na ang tinutukoy ay ang naging panayam niya kay Erwin sa kaniyang vlog.

"Lalo na yung ginawa niyang kabayanihan sa buhay ko — as in isinalba niya ako sa isang taong ginagamit ako na kung uso lang noon ang socmed, ay nako! Baka viral na viral ako, hahaha! Pero again, hindi na niya maalala."

"Ganon nga yata talaga kung nakadikit na sa buto mo ang pagiging matulungin. Hindi mo na binibilang, dahil naniniwala kang kayo lang ng Diyos ang nakakaalam sa mga ginagawa mo sa kapwa."

"Naturalesa na ni Papa Erwin ang tumulong, kaya nakakalimutan niya at ang mga tao na lang ang siyang nagpapaalala sa kaniya ng kaniyang mga kabayanihan."

Kaya mahal na mahal umano ni Ogie si Erwin, gayundin ang kapatid nitong senador na si Sen. Raffy Tulfo, at si Ben Tulfo. Magkakaiba man daw sila ng politikal na paniniwala ay nananatili pa rin ang pagmamahalan nila sa isa't isa.

"Kaya mahal na mahal ko 'yang taong 'yan kasama si Sen. Raffy at Kuya Ben BITAG Tulfo."

"Basta happy, happy birthday, Papa Erwin! Magkaiba man ang ating political stand, hindi man tayo madalas magkita, pero alam mong mahal na mahal natin ang isa’t isa."

"Salamat sa tulong na nagagawa mo para sa mga nangangailangan," pagwawakas ni Ogie.

Sa comment section, nagkomento naman dito si Willy Cuevas na taga ABS-CBN.

"Humingi kami sa kaniya ng mga tricycle noon ni Willie R. (Revillame) para ipamigay dahil anniversary ng 'Willingly Yours', isang tawag lang niya nabigyan niya kami. Alam mo naman walang budget ang News and Current Affairs para sa show. Nabubuhay kami sa donation at ex deal."

Isang netizen naman na umano'y natulungan ng "Bitag" ni Ben Tulfo ang nagpatotoong mabubuting tao ang magkakapatid na Tulfo.