Ipinag-utos na ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Huwebes na pag-aralan kung paano i-upgrade ang mga public libraries na pinatatakbo ng pamahalaang lungsod ng Maynila.
Nabatid na ang lungsod ay mayroong 11 malalaki at maliliit na silid-aklatan, na ilang dekada nang nag-o-operate.
Tiniyak naman ni Lacuna na kahit mayroon ng mga e-books at madali na ring makakuha ng mga impormasyon sa pamamagitan ng internet, mananatili pa rin ang operasyon ng mga naturang public libraries.
Bilang katunayan, pagagandahin at isasailalim pa aniya nila total upgrade ang mga libraries upang makasabay sa mga magagandang libraries hindi lamang sa ating bansa kundi maging sa ibayong dagat.
Binigyang-diin ng alkalde na kailangan na pag-aralan ang magagandang ginagawa sa ibang bansa na puwedeng gayahin dito sa atin upang makasabay sa makabagong panahon ang ating mga libraries.
“Baka may mga best practices na pupuwede gayahin para mahikayat natin ang mga kabataan na pasuking muli ang ating public libraries,” sabi ni Lacuna.
“We can maybe do some benchmarking sa ibang aklatan para makita nila how to improve the services being offered currently by our city libraries," dagdag pa niya.