Magandang balita para sa lahat ng mag-aaral ng Senior High School (SHS), Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at Universidad de Manila (UdM) sa Maynila.
Ito’y matapos na lagdaan na ni Manila Mayor Honey Lacuna ang payroll sa monthly cash assistance ng city government para sa mga mag-aaral sa dalawang naturang city-run universities gayundin ng SHS mula sa lahat ng public schools sa lungsod.
“Ang bawat estudyante ng PLM at UdM ay makatatangap ng P1,000 at ang bawat SHS student naman ay makatatanggap ng P500 kada buwan para sa buwan ng Mayo at Hunyo,” ayon kay Mayor Honey.
Matatandaang ang pagkakaloob ng naturang tulong pinansiyal ay bahagi ng social amelioration program (SAP) ng city government, na pinaglaanan ng budget na P117 milyon.
“Makakaasa po kayo na ang inyong Pamahalaang Lungsod ay patuloy na gumagawa ng paraan para paginhawain ang pamumuhay ng bawat Pamilyang Manilenyo.Ang atin po lamang pakiusap sa lahat ng mga benepisyaryo ay lalong magpunyagi, magpursigeng makatapos ng pag-aaral. Ugaliin ring makinig sa turo ng inyong mga guro at sumunod sa payo ng inyong mga magulang,” ayon pa sa alkalde.
Layunin aniya ng pagbibigay ng financial assistance sa mga mag-aaral na matulungan ang mga ito sa kanilang mga gastusin sa paaralan, at mahikayat na higit pang magsikap at pagbutihin ang kanilang pag-aaral upang makatapos at maiahon ang kanilang pamilya mula sa kahirapan.