Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Huwebes na kabuuang 53 health facilities ang napinsala dahil sa Magnitude 7.0 na lindol na tumama sa lalawigan ng Abra kahapon.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni DOH assistant spokesperson Undersecretary Beverly Ho, kabilang sa mga napinsalang pasilidad ay walong pagamutan, 28 rural health units at 18 barangay health stations.

Ayon kay Ho, iniulat naman ng Centers for Health Development sa Cordillera Administrative Region na may 272 ang nasugatan dahil sa lindol, kabilang ang 19 na hospital admissions.

Nakapagtala rin umano sila ng apat na patay at apat na iba pa na nawawala.

<b>Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina</b>

Ani Ho, kasalukuyan nang nasa Abra si DOH Assistant Secretary Nestor Santiago upang i-assess ang pinsalang idinulot doon ng lindol.

“Nandoon siya upang alamin ang estado ng lugar at magpaabot ng tulong,” ayon pa kay Ho. “Nasa ground na rin po ang ating team katuwang ang lokal na pamahalaan ng Abra.”

Tiniyak rin naman niya na nagpadala na ang DOH ng mga trucks na may lamang 20 tents, 200 cot beds, hygiene kits, mga gamot at iba pang suplay sa lalawigan.

Nag-deploy na rin umano sila ng mga medical teams sa Ilocos Training and Regional Medical Center at sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center upang tumulong sa mga sugatang residente.

Una nang tumama ang 7.0 magnitude na lindol sa Abra na naramdaman rin sa iba pang lugar sa Luzon hanggang sa Metro Manila.

Nagbabala naman ang Phivolcs na maaari pang magkaroon ng mga aftershocks sa mga susunod na araw.