Iniulat ng Commission on Elections (Comelec) nitong Sabado na umaabot na sa halos 2.6 milyon ang bagong botante na kanilang naitala para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections naidaraossa bansa sa Disyembre 5, 2022.
Ayon kay Comelec Spokesperson Rex Laudiangco, hanggang nitrong Hulyo 22, ang ika-17 araw ng voter registration, ay nakapagtala na sila ng kabuuang 2,593,909 bagong botante.
Ani Laudiangco, sa naturang bilang, 1,615,144 ang mula sa 15 to 17 age group; 840,085 ang nagkaka-edad ng 18 to 30-anyos; at 138,680 ang kasama sa age bracket na 31-taong gulang pataas.
Nakatanggap din aniya ang poll body ng aplikasyon para sa paglilipat ng rehistro mula sa ibang lungsod o munisipalidad, kabilang ang 450,415 na barangay voters at 4,194 Sangguniang Kabataan (SK) voters.
Sa kabuuan, sinabi ni Laudiangco na mayroon silang 3,431,932 aplikasyon na naiproseso.
Inaasahan naman aniyang madadagdagan pa ang naturang bilang ng bagong botante dahil itinakda ang huling araw ng pagpapatala sa Hulyo 23, 2022.
Nanindigan naman na ang Comelec na hindi na palalawigin pa ang voter registration para sa Barangay at SK polls.